
Contractors Pacifico “Curlee” Discaya II and Cezarah Rowena “Sarah” Discaya have filed a sworn affidavit before the Senate Blue Ribbon Committee chaired by Senator Rodante Marcoleta, in connection with the panel’s probe into alleged anomalies in government flood control projects. The couple, who operate St. Gerrard Construction and other affiliated firms, attested that they had been pressured for years to provide kickbacks to lawmakers and officials in exchange for securing and implementing public works contracts.
In their affidavit dated 8 September, the Discayas recounted how their company initially joined both private and government projects but later encountered systemic demands for payments from politicians, district engineers, and Department of Public Works and Highways personnel. They said the practice involved percentages of project funds — ranging from 10 to 30 percent — allegedly required for contracts to proceed and for payments to be released. The couple also claimed they were often compelled to comply despite their objections, describing the scheme as a widespread practice in public bidding.
Read the full affidavit here:
KAMI SI, PACIFICO F. DISCAYA II AND CEZARAH ROWENA C. DISCAYA, mag-asawa, nasa tamang edad, parehong Filipino makatapos makapanumpa ng naaayon sa umiiral na batas, ay nagsasaad at naglalahad ng gaya ng mga sumusunod:
Noon 2003, kaming mag-asawa ay itinatag ang kumpanya na pinangalanan naming St. Gerrard Construction. Ipinarehistro namin ito sa DTI, nakakuha ng contractor’s license, at nagsimula na lumahok sa mga pribadong construction projects.
Kinalaunan, nagsimula na rin kami na lumahok sa mga government projects.
Natuklasan naming na hindi nagiging madali ang trabaho sa mga government projects. Madalas mahirap ang paniningil ng bayad at matagal bago kami mabayaran ng gobyerno.
Hanggang dumating ang pagkakataon, lumapit sa amin ang isang kaibigan na si Voltaire Claveria at inalok kaming magkaroon ng proyekto sa national level gamit ang aming lisensiya.
Ipinakilala niya ang sarili niya na nagtatrabaho para sa isang Congressman at nangakong kapag nagbigay kami ng pera ay makakakuha kami ng proyekto.
Dahil wala kaming alam sa kalakaran sa pambansang proyekto sa gobyerno, nagtiwala kami at ibinigay ang lahat ng ipon naming mag-asawa. Sa kasamaang-palad, niloko lang niya kami. Naglaho siya dala ang pera naming mag-asawa.
Nagpunta kami sa DPWH para i-report ang nangyari, pero hindi nila ito pinansin. Kahit ganoon, hindi kami sumuko. Gusto ko pa ring gawin nang tama ang negosyo kaya patuloy kaming sumali sa mga biddings sa gobyerno.
Sa kalaunan, ang kumpanya namin ay nananalo sa mga biddings sa mga proyekto sa national government sa pamamagitan ng patas na bidding. Ibinuhos namin ang lahat ng aming pagsisikap para maipakita ang kakayahan ng aming kumpanya na mayroong maayos na paggawa, dekalidad na resulta, at natatapos sa tamang oras.
Nagkaroon ng kaunting tagumpay ang St. Gerrard Construction kaya minabuti naming mag-asawa na mag-expand at bumuo ng ibang kumpanya tulad ng Alpha and Omega Gen. Contractor and Development Corp.
Ngunit nang nagsimula nang makilala ang St. Gerrard Construction, dumating naman ang panibagong pagsubok. Unti-unti nagsilapitan ang mga district engineers at mga Regional Directors ng DPWH at mga Chiefs-of-Staff ng mga mambabatas na nag-alok ng mga proyektong sinasabi nilang pondo ng mga mambabatas.
Noong una, sinubukan naming labanan ang mga ito sa pamamagitan ng pagreport sa DPWH at pagpapadyaryo ng mga tiwaling kawani ng gobyerno subalit hindi sila natitinag sa mga ito.
Sabi nila, dapat tanggapin namin ang realidad na dapat kaming magbayad sa mga mambabatas kung gusto pa naming magpatuloy na magkaroon ng projects sa gobyerno. Kung hindi, binabala nila na matatanggal sa listahan ang kumpanya namin at hindi na makakakuha ng kahit anong proyekto.
Hindi naming ginusto kailanman na mapasama sa ganitong sistema, pero kailangan naming magpatuloy para sa pamilya at mga empleyado.
Dahil sa aming paglaban sa mga tiwaling bidding, maraming beses naming naranasan na mapadisqualify ng Bids and Awards Committee ng DPWH na hawak ng mga mambabatas na nagpondo sa project.
Dahil naiipit na ang aming negosyo, lumulubog na kami sa lumalaking utang ng kumpanya, at peligro sa buhay ng aming pamilya, napilitan kaming makisama sa kalakaran kahit labag sa aming kalooban.
Paulit-ulit kaming ginamit ng mga nasa pwesto sa sistemang ito. Wala kaming magawa dahil kung hindi kami makikisama, gagawan nila ng problema ang project na na-award sa amin sa pamamagitan ng mutual termination o pagkakaroon ng Right of Way (ROW) problem na parehong nagdudulot na hindi matuloy ang implementasyon ng proyekto.
Matapos naming manalo sa mga bidding, may mga opisyal mula sa DPWH ang lumapit sa amin para humingi at kumuha ng bahagi nila sa halaga ng proyekto.
Ang hinihingi nilang porsyento ay hindi bababa sa 10% at umaabot pa sa 25%, na naging kundisyon upang hindi maipit ang implementasyon ng kontrata.
Ito ay ibinibigay namin sa kanila ng cash. Ang bawat transaksyon ay may karampatang voucher at ledger na nagsasaad ng mga araw kung kailan nila ito natanggap.
Ilan sa kanila ay sina:
a. Terrence Calatrava – Former Undersecretary of the Office of the Presidential Assistant for the Visayas of the Philippines
b. Cong. Roman Romulo of Pasig
c. Cong. Jojo Ang of Uswag Ilonggo Partylist
d. Cong. Patrick Michael Vargas of Quezon City
e. Cong. Juan Carlos “Arjo” Atayde of Quezon City
f. Cong. Nicanor “Nikki” Briones of AGAP Partylist
g. Cong. Marcelino “Marcy” Teodoro of Marikina
h. Cong. Florida “Rida” Robes of San Jose Del Monte, Bulacan
i. Cong. Eleandro Jesus Madrona of Romblon
j. Cong. Benjamin “Benjie” Agarao Jr.
k. Cong. Florencio Gabriel “Bem” Noel of An-Waray Partylist
l. Cong. Leody “Odie” Tarriela
m. Cong. Reynante “Reynan” Arrogancia of Quezon
n. Cong. Marvin Rillo of Quezon City
o. Cong. Teodorico “Teodoro” Haresco Jr. of Aklan
p. Cong. Antonieta Eudela of Zamboanga Sibugay
q. Cong. Dean Asistio of Caloocan
r. Cong. Marivic Co Pillar of Quezon City
Mayroon ding mga kinatawan ng ilang politiko na nakipagtagpo sa amin upang mangingi ng porsyento kapalit ng mga proyekto.
Ang mga porsyentong ito (25%) ay ipinilit sa amin bilang karaniwang kalakaran nila na wala akong kakayahang tanggihan. Ilan sa kanila ay sina:
a. Regional Director Eduarte Virgilio of DPWH Region V
b. Director Ramon A. Arriola III of Unified Project Management Offices (UPMO)
c. District Engineer Henry Alcantara of DPWH Bulacan 1st
d. Undersecretary Robert Bernardo
e. District Engineer Aristotle Ramos of DPWH Metro Manila 1st
f. District Engineer Manny Bulusan of DPWH North Manila DEO
g. District Engineer Edgardo C. Pingol of DPWH Bulacan Sub-DEO
h. District Engineer Michael Rosaria of DPWH Quezon 2nd DEO
Karamihan sa mga kawani ng DPWH na nabanggit sa itaas ay paulit-ulit na binabanggit ang delivery ng pera ay para kay Zaldy Co, na dapat ay at least 25%.
Si Cong. Marvin Rillo naman ay ilang beses binabanggit ang pangalan ni Speaker Martin Romualdez bilang kanyang malapit na kaibigan.
Sa tuwing umiinom kami sa Wine Story sa BGC at EDSA Shangrila Mall, sinabi pa ni Cong. Rillo na lahat ng kanya request para sa pondo ay galing pa mismo sa unprogrammed funds at insertions na inaaprubahan ni Speaker. Ang tao ni Marvin Rillo na si Bogs Magalong ang pumupunta sa amin para kunin ang pera sa aming opisina o sa Wine Story.
Si Cong. Jojo Ang naman ay lagi ring binabanggit na lahat ng project sa kanya ay popondohan ni Speaker at ni Zaldy Co kaya mataas ang hinihingi sa project. Dagdag pa niya, hindi naman lahat ng pera ay para sa kanya kundi para kay Speaker at Zaldy Co.
Sa Lungsod ng Pasig, lumapit sa akin ang DPWH Project Engineer na si Angelita Garucha para kolektahin ang parte ni Cong. Romulo Roman [sic] sa flood control project noong 2022.
Pagdating ng 2025, si District Engineer Aristotle Ramos ay sumunod na nagpakilala na bagman ni Cong. Romulo kung saan 30% ang kanyang hinihingi ay para kay Cong. Romulo. Sinabihan ko na kay DE Ramos na masyado namang mataas, ngunit sinabi niya na walang magagawa dito dahil pondo ito galing sa unprogrammed funds at insertions na galing sa “taas.”
Sa ilang pagkakataon, ang mga politiko na personal na inabutan ng halaga, ayon sa hinihingi nilang porsyento mula sa proyekto. Ang pagbabayad na ito ay hindi namin kagustuhan kundi isang hakbang na ginawa namin dahil sa matinding panggigipit. Ilan sa kanila ay sina:
a. Cong. Antonieta Eudela kasama ang kanyang asawa
b. Cong. Marvin Rillo of Quezon City
c. Cong. Nikki Briones of AGAP Partylist
d. Arturo N. Atayde – Ama ni Cong. Arjo Atayde
e. Cong. Florencio Gabriel “Ben” Noel of An-Waray Partylist
f. Cong. Eleandro Jesus Madrona of Romblon
g. Cong. Benjamin “Benjie” Agarao Jr.
Bagama’t naging matinding pagsubok ang kabawasan ng pondo na nakalaan sa mga proyekto, pilit at matapat naming sinunod ang bawat spesipikasyon na nakasaad sa Program of Works na nakasaad sa proyekto ng DPWH. Nakasisigurado kami na nagawa namin ng maayos at matapat ang bahagi o “phase” ng proyekto na na-award sa amin. Sa katunayan, hindi kami mababayaran ng DPWH kung hindi ito dumaan at pumasa sa maraming “material testing” na naaayon sa design ng DPWH. In-aassess at ini-inspect ng DPWH ang bawat proyekto base sa natapos na parte o “accomplishment.”
Napilitan kami na i-absorb ang kabawasan na ito na nagdudulot ng maliit na kita o pagkalugi sa ilang projects. Para makabawi, dinadamihan na lang namin ang partisipasyon sa mga projects.
Taliwas sa mga lumalabas na mga impormasyon sa publiko, hindi kailanman kami gumawa ng “ghost projects” at masugid kaming nag-inspect sa lahat ng aming natapos na projects.
Handa po kaming tumestigo ng walang pilit at kusang loob bilang state witness at sabihin ang lahat ng nangyayaring katiwalian ng mga kinatawan ng Kamara, DPWH, at ibang mga kawani ng gobyerno upang gawin ang tama.
Kami ay lubos na humihingi ng tulong sa Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ng butihing Chairman Senador Rodante Marcoleta at kay Presidente Bongbong Marcos para sa proteksyon at seguridad ng aming pamilya.
Ang salaysay na ito ay kusang loob naming ginawa at walang sinumang pumilit na gawin ito.
SA KATOTOHANAN NG LAHAT, ay nilagdaan namin ang salaysay na ito ng kusang loob at walang anumang pamimilit.
[Signature]
PACIFICO F. DISCAYA II
Nagsasalaysay
[Signature]
CEZARAH ROWENA C. DISCAYA
Nagsasalaysay