
Gen. M. Natividad, Nueva Ecija - Mga pekeng yosi na nagkakahalagang P159,000 ang nakumpiska ng kapulisan sa isang operasyon sa Barangay Mataas na Kahoy ng siyudad na ito nitong madaling araw ng ika-30 ng Agosto 2025.
Ayon sa General M. Natividad Municipal Police Station, naaresto ang dalawang suspek dahil sa paglabag sa Republic Act 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines sa nasabing operasyon.
Habang isinasagawa ang Plan Sita, pinara ng mga pulis ang isang puting Nissan Urvan para inspeksyunin.
Habang iniinspeksiyon, nakita ng mga pulis ang mga kahon-kahon ng mga pinaghihinalaang pekeng sigarilyo sa loob ng sasakyan.
Agad inaresto ng mga pulis ang mga suspek na sakay ng van at kinumpiska ang mga kahon.
Mayroong isang kahon ng More Cigarettes, lumang kahon ng Two Moon Green Cigarettes, at isang kahon ng Marvel Red Cigarettes, lahat walang permit at dokumento.
Nasa P159,000.00 ang kabuoang presyo ng mga sigarilyo.
Nasa kustodiya na ng Gen. M. Natividad Police Station ang mga piraso ng ebidensiya at ang mga suspek.