
Tarlac City – Nagpadala ng isang Mobile Water Treatment System (MWTS) sa La Union si Tarlac Governor Christian Yap upang makapagbigay ng malinis at maiinom na tubig sa mga bahagi ng probinsiya na walang suplay ng tubig.
Ayon kay Yap, ang nasabing pagpapadala ng MWTS sa La Union ay tugon sa hiling ng Office of Civil Defense Region III bilang suporta sa probinsiya ng La Union na nasalanta ng Bagyong Crising, Dante at Emong, kasama na ang tuloy-tuloy na pag-ulan dahil sa habagat.
Ang MWTS ay isang science-based solution na dinisenyo upang gamitin ang maruming tubig o tubig baha at gawin itong ligtas at maiinom.
Ani Yap, sa unang araw pa lamang ng operasyon, nakapagproseso na ang MWTS ng 615 galon ng malinis na tubig mula sa Baroro River sa San Juan. Dagdag pa niya, gumagamit ang MWTS ng ultrafiltration at reverse osmosis upang alisin ang mga contaminants mula sa maruming tubig.
Dalawang tauhan mula sa PDRRMO Tarlac—sina Aldrin Resurreccion at McKenneth Roma—ang pinadala upang magpatakbo ng MWTS. Mismong si San Juan Mayor Mariquita P. Ortega ang bumisita sa lugar ng MWTS at inobserbahan kung paano gamitin ang teknolohiya.
Ang MWTS ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng DOST-Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program, na may suportang pondo mula kay Senator Joel Villanueva.
Isa itong patunay kung paano ang lokal na gobyerno, siyensiya, at maagap na pagtugon ang makakatulong upang makapagbigay ng malinis na tubig sa panahon ng kalamidad.