Siyam na naglalakihang bituin sa Philippine movie industry ang bibigyang parangal para sa Box Office Hero ng 8th EDDYS o Entertainment Editors’ Choice.
Sila ang mga bumida sa mga pelikulang nagpakitang-gilas sa takilya nitong nagdaang taon at tumaya para sa patuloy na pagbangon ng industriya ng pelikulang Pilipino na naging daan upang muling sumugod sa sinehan ang mga manonood.
Sa ikalawang taon ng The EDDYS Box Office Heroes, gagawaran ng parangal sina Kathryn Bernardo at Alden Richards para sa kanilang reunion film na Hello, Love, Again.
Gumawa ng kasaysayan ang naturang pelikula matapos itong kumita sa takilya ng P1.6 billion worldwide.
Nakamit ng sequel ng 2019 hit na Hello, Love, Goodbye nina Alden at Kathryn, ang pinakamalaking opening weekend para sa isang pelikulang Pilipino sa U.S. at Canada, na nakakuha ng $2.4 million sa North America at napunta pa sa No. 8 sa lingguhang box-office chart ng rehiyon.
Hawak nito ngayon ang titulong "highest-grossing Filipino film of all time."
Samantala, ipinagpatuloy naman ni Vice Ganda ang kanyang holiday box-office streak sa And the Breadwinner Is…, na kumita ng P460 million.
Dito, muling pinatunayan ng Phenomenal Box-office Star ang kanyang magic at karisma sa mga Pilipino tuwing panahon ng Kapaskuhan.
Kasama rin sa gagawaran ng 8th EDDYS Box Office Hero award sina Julia Barretto at Joshua Garcia para sa kanilang hit romance na Un/Happy for You, na lumampas sa P450 million ang hinamig sa takilya mula sa iba't ibang panig ng mundo.
Ang tagumpay ng kanilang on-screen reunion ay siyang nagpapaalala sa mga manonood kung bakit minsan nang namuno ang kanilang chemistry sa primetime at sa big screen.
Para kumpletuhin ang listahan ng Box Office Heroes sa ika-8 edisyon ng The EDDYS, pararangalan din sina Vic Sotto at Piolo Pascual para sa pelikula nilang The Kingdom at sina Dennis Trillo at Ruru Madrid para naman sa Green Bones.
Pareho ring multi-awarded ang mga nasabing pelikula na napatunayang ang kritikal na pagbubunyi at komersyal na tagumpay ay maaaring magkasabay.
Ang 8th EDDYS ay gaganapin sa July 20, 2025 sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Newport World Resorts, Pasay City, at magkakaroon ng delayed telecast sa Kapamilya Channel, Jeepney TV at may worldwide streaming sa iWantTFC sa July 27, Linggo.
Mamimigay din ng 14 acting at technical awards ang SPEEd na pipiliin mula sa mga nominadong pelikula na ipinalabas sa mga sinehan at ilang digital platforms noong 2024.
Co-presenter ng 8th EDDYS ang Newport World Resorts at ABS-CBN sa ilalim ng production ng Brightlight Entertainment na pinangungunahan ni Pat-P Daza at ididirek muli ni Eric Quizon.
Ang SPEED ay pinamumunuan ng kasalukuyang presidente ng grupo na si Salve Asis ng Pilipino Star NGAYON at Pang Masa.
Para sa karagdagang detalye, maaaring i-follow ang official Facebook page ng The EDDYS (The Entertainment Editors' Choice).