
Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes na paiigtingin nito ang pagsasanay sa firearms proficiency at marksmanship ng mga tauhan nito para mas mapahusay ang kanilang kakayahan at pagtupad sa tungkulin.
Sa isang ambush interview, ibinunyag ni PNP Chief Police General Nicolas Torre III na magkakaroon ng firearms proficiency examination sa Hulyo, partikular para sa mga pulis na may mataas na posisyon.
“Hindi lang sa promotion, pati sa positioning. Kapag nag-test sila at bagsak sila sa marksmanship, aba’y tatanggalin ko ang mga commanders na hindi makakapasa sa ating proficiency testing,” mariing sinabi ni Torre.
Binigyang-diin niya na hindi lamang para sa promosyon ang bagong polisiya, kundi pati na rin para sa paglalagay ng mga tauhan sa iba’t ibang posisyon at responsibilidad.
Ibinahagi rin ni Torre ang plano niyang pag-aralan ang dalas ng pagsasagawa ng marksmanship tests para sa mga pulis.
“Hindi acceptable na ang pulis ay hindi marunong gumamit ng baril. Kaya pagdating sa classification standards, at hindi siya pumasa, meron nakasama sa regulation, i-re-recall ang kanyang baril na issue at siya ay mag-undergo ng training,” aniya.
“I’ll be very, very strict,” dagdag pa niya.
Matagal nang nagtakda ng firearms proficiency standards ang Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) ng PNP, ngunit ayon kay Torre, hindi raw ito naging mahigpit na naipatupad.
“In terms of proficiency and efficiency in the use of firearms, very, very important yan. Sapagkat, buhay ang nakataya rito eh. Kapag ginamit mo at hindi mo alam paano gamitin, paano ang intended target, hindi mo tamaan, at ang tatamaan ay ang inosenteng tao. So, ayaw natin nun,” paliwanag ni Torre.
Giit ng hepe, ang pagbibigay ng higit na pansin sa firearms proficiency ay bahagi ng pagsusumikap ng PNP na palakasin ang kahandaan ng kanilang hanay at masiguro ang kaligtasan ng publiko. Aniya, “sending a clear message” na hindi maaaring ipagwalang-bahala ang kahusayan sa paggamit ng baril ng bawat pulis.