
Nasamsam ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang P9 milyong halaga ng mga pekeng telebisyon sa isang operasyon sa isang kumpanya sa Subic Bay Freeport noong Huwebes.
Ayon kay CIDG Police Capt. Jan Michael Jardin, nag-ugat ang operasyon mula sa Oplan Megashopper, kung saan ipinatupad ng mga awtoridad ang search warrant sa Enjoy Electronics Subic International na matatagpuan sa Corregidor Highway, Ilanin West District, Subic Bay Freeport.
Pinangunahan ng CIDG Pampanga PFU ang operasyon kasama ang mga kinatawan mula sa Ecom Electronics Reconditioning Services, CIDG Bataan PFU, RSOT-RFU3, CIDG-MCIU, SBMA Law Enforcement Department, SBMA Intelligence and Investigation Office, PNP-IMEG3, Morong MPS, at Bataan PPO.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng search warrant na inisyu ni Manila RTC Branch 28 Presiding Judge Sheryll Dolendo Tulabing dahil sa paglabag sa Section 155 in relation to Section 170 ng RA 8293 o Trademark Infringement laban sa kumpanya. Sinabi ni Jardin na pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang mga opisyal ng kumpanya na residente ng Ilanin West District, Subic Bay Freeport Zone.
Ang pagpapatupad ng search warrant ay isinagawa sa maayos na paraan sa presensya ng kinatawan ng kumpanya na si OIC for Import Export Anna May Robles, gayundin ang mga ipinatawag na testigo mula sa SBMA Intelligence and Investigation Office at SBMA Law Enforcement Department.
Ilan sa mga nakumpiskang gamit ay ang 40 kahon na naglalaman ng 1,286 TV panel boards, 50 kahon na naglalaman ng 830 TV back covers, 4,000 TV power boards, 100 TV speakers, at iba pa. Nasa P9 milyon ang kabuuang halaga ng mga nasamsam.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa CIDG Pampanga PFU at inilagay sa kustodiya nina Pat. Carlo Espanol at Pcpl. Jericson Carbonel para sa dokumentasyon.
Samantala, ang mga nauugnay na dokumento ay inihahanda para sa pagsasampa ng mga kaso sa opisina ng prosecutor.