
Sa isang press conference nitong Lunes ng gabi, nanawagan si Duterte sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas na “protektahan ang Konstitusyon.”
Ginawa ng dating pangulo ang pahayag na ito habang sinasabing mayroong “fractured governance” sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Walang makakapagtama kay Marcos, walang makakapagtama kay Romualdez... Walang madaliang remedyo. Tanging military ang makakapagtama,” pahayag ng dating pangulo.
Ang tinutukoy niyang Romualdez ay ang Speaker ng Kamara na si Martin Romualdez.
Bilang tugon, binatikos ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang mga sinabi ni Duterte at pinayuhan ang dating pangulo na dapat niyang igalang ang Konstitusyon.
“Nakakaloka ang tahasang panawagan ni dating Pangulong Duterte sa ating Sandatahang Lakas na maglunsad ng kudeta laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,” aniya.
Sinabi rin ni Bersamin na “ pag-insulto sa ating propesyonal na Sandatahang Lakas” ang “paghiling sa kanila na ipagkanulo ang kanilang panunumpa, para magtagumpay ang kanyang plano.”
Hinimok ng Executive Secretary si Duterte na huminto sa mga “iresponsableng” gawain.
Ipinagtanggol rin ni Bersamin si Marcos laban sa mga “pagbabanta” na inilunsad ni Vice President Sara Duterte laban sa pangulo.
Noong Sabado, nagbanta si Sara na papatayin si Marcos, ang kanyang asawang si First Lady Liza Araneta-Marcos, at si Romualdez kung matagumpay ang isang planong pagpatay sa kanya.
“Walang motibo na mas makasarili kaysa sa pagtawag para sa isang nakaupong pangulo na ibagsak upang ang iyong anak na babae ang pumalit,” sabi ni Bersamin.
Nauna nang ipinunto ng mga awtoridad ng Pilipinas na kung gagawin ang mga banta sa buhay ng Pangulo, ang Bise Presidente ang makikinabang sa resulta.
Batay sa Saligang Batas, ang pangalawang pangulo ang hahalili sa pangulo kung ang huli ay namatay o nawalan ng kapasidad na manungkulan.
Naglunsad ang awtoridad ng imbestigasyon sa usapin at nag-isyu ng subpoena para sa ikalawang pangulo.
Samantala, iginiit ni Bersamin na ipagpapatuloy ng gobyerno ang kanilang tungkulin sa bansa.
“Ang administrasyong ito ay hindi aalis sa sinumpaang tungkulin na pamahalaan at pamahalaan ang mga gawain ng Bansang Pilipino ayon sa Konstitusyon at Rule of Law,” aniya. “Ipagtatanggol nito ang pamana nito sa harap ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan lamang ng legal na paraan. Ang estado ay kikilos nang may determinasyon upang labanan ang lahat ng labag sa batas na pagtatangka at hamon.”
Kinondena din ni Bersamin ang pagiging marahas ng mga pahayag na ginawa ng mga Duterte.
“Hindi katanggap-tanggap ang marahas na pag-agaw ng kapangyarihan para madaling maging presidente sa pamamagitan ng assassination, kaguluhan at pag-aalsa,” ayon kay Bersamin.
“Maghintay ng tamang panahon, sundin ang mga tamang paraan,” dagdag niya.