
Dating sikat na laro ng mga bata ang teks o maliliit na cards na may guhit ng mga eksena sa pelikula. Sing-sukat ng kahon ng posporo ang bawat card at dekolor ang larawang nakaimprenta rito.
Sa nasabing laro, dalawang bata na may kanya-kanyang teks ang maglalaban upang makuha ang lahat ng teks ng katunggali. May kanya-kanya silang isang card na magsisilbing pamato at pipitikin nila ito o paiikutin sa ere kasama ang ikatlong card na magsisilbing panggulo.
Bago pitikin o ihagis ang tatlong card o teks, tataya muna ng teks ang magkalaban. Ang taya ay parehong dami ng card o teks, o pantay na tumpok ng teks.
Sa paglapag sa lupa ng inihagis na tatlong teks, kung ang dalawang card ay parehong nakatihaya o nakataob, ang ikatlong card na salungat ang ipinakikitang side ang panalo at makakakuha sa taya ng kalaban.
Samakatuwid, ang panggulo, kung kaparehong nakatihaya o taob sa pamato ng isang manlalaro ng teks, ay magpapatalo sa huli at magpapanalo sa kanyang kalaban. Marahil dahil sa ganitong silbi nito kung kaya ito tinawag na panggulo. Gayunpaman, kailangan ang panggulo sa larong teks upang malaro ito at upang manalo, o matalo, ang manlalaro.
Sa mata naman ng Komisyon ng Eleksyon o Comelec, may mga kandidatong panggulo rin. Sa mga balita kahapon, hindi inaprobahan ng Komisyon ang aplikasyon sa pagkandidato bilang senador ang 117 sa 186 na aplikante sa nasabing posisyon para sa halalan sa susunod na taon. Itinuring ng Komisyon ang 117 aplikante na mga “nuisance” o panggulong mga kandidato. Ibig sabihin ay hindi isasali ang mga pangalan nila sa balotang ilalathala ng Komisyon na gagamitin sa halalan.
Ayon sa Comelec, ang isang kandidatong dineklara nitong “nuisance” ay hindi seryosong tumakbo kaya pinagbabawalan nitong tumakbo. Maaari namang labanan sa korte ng aplikante sa pagkakandito ang deklarasyon ng Comelec na sila ay mga kandidatong nuisance upang baliktarin ito at maisama ang kanilang pangalan sa balota.
Tulad ng teks, may panggulo rin sa eleksyon. Ang pagkakaiba lamang ay kailangan sa teks ang panggulo samantalang hindi ito kailangan at tinatanggal sa halalan.