SUBSCRIBE NOW

PEPITO HUMINA NA ANG PANANALASA

PEPITO HUMINA NA ANG PANANALASA
Published on

Inihayag ng mga otoridad ngayon na humina na ang bagyong Pepito habang papalayo na ito sa sa kalupaan ng bansa matapos nitong tawirin ang mainland Luzon sa nakalipas na magdamag.

Ayon sa mga ulat, ang mga bulubunduking dinaanan nito ang nagpahina rito kaya naman ibinaba na ito sa typhoon category at mapapanatili nito ang intensity hanggang makalabas ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 145 km West of Sinait, Ilocos Sur at taglay na lamang nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 130km/h malapit sa gitna at pagbugso na pumapalo na lamang sa 160km/h.

Kumikilos ang bagyo pa pahilagang kanlurang direksyon sa napanatili nitong bilis na 30km/h.

Kasalukuyang umiiral ang Signal No. 3 sa hilagang at kanlurang bahagi ng Ilocos Sur, hilagang-kanlurang bahagi ng La Union at kanlurang bahagi ng Abra habang nakataas naman ang Signal No. 2 sa Ilocos Norte, natitirang bahagi ng Ilocos Sur, natitirang bahagi ng La Union, Pangasinan, natitirang bahagi ng Abra, kanlurang bahagi ng Mountain Province, Benguet at hilagang bahagi ng Zambales.

Samantala, Signal No. 1 naman ang nakataas sa Apayao, Kalinga, natitirang bahagi ng Mountain Province, Ifugao, kanlurang bahagi ng Cagayan, Nueva Vizcaya, hilagang at gitnang bahagi ng Nueva Ecija, Tarlac at gitnang bahagi ng Zambales.

Sa ibang balita, ikinalungkot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mayroong naitalang casualty dahil sa bagyong Pepito sa Camarines Norte dahil para sa kanya, ang isang bilang na namatay ay hindi pa rin maganda.

Gayunpaman, mabuti na lamang at hindi naman sintindi ng unang inasahan nila at kinatakutan ang idinulot ng bagyong Pepito.

Pinasalamatan ng Pangulo ang lahat ng lokal na pamahalaan at mga ahensiya ng gobyerno na nagtrabaho para maiwasan ang matinding epekto ng bagyo.

Pinasalamatan din nito ang publiko na nakipag kooperasyon o ginawa ang parte nila para maging madali sa lahat ng pagtugon sa sitwasyon.

Ito na ang pang anim na bagyo na binuno ng lahat.

”I’m sorry to report na meron tayong casualty, isa sa Camarines Norte. You know my feelings about that, one casualty too many, so that is unfortunate. However I still would like to congratulate dahil kailangang pasalamatan natin, lahat ng mga first responder, yung mga LGU, lahat ng mga nagtatrabaho na pang anim na nila ito. I’m sure that they are exhausted, I am sure they have done and continued to do and work as much as hard as I can kaya tayo po’y nagpapasalamat sa kanila. At sa taongbayan din, sila ay tumutulong at hanggat kaya at sinusundan naman ng ating mga bulletin ukol sa mga kailangang gawin, kaya’t kahit papano sa lakas ng Pepito, eh hindi kasing sama ng aming kinakatakutan, it’s wasn’t as bad as we fear,” saad ni Marcos.

Pumalo na sa kabuuang 685,071 indibidwal ang na-displace dahil sa pananalasa dulot ng magkakasunod na bagyong tumama sa bansa.

Sa situational report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang umaga, kabuuang 446,177 ang nananatili sa evacuation centers at 238,894 ang pansamantalang nanunuluyan sa ibang mga lugar.

Naapektuhan naman ng mga nagdaang bagyo ang nasa mahigit 1.145 milyong indibidwal o katumbas ng halos 300,000 pamilya sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, MIMAROPA, Bicol region at CAR.

Sa kasalukuyan, nag-iwan ng P469.8 milyong halaga ng pinsala sa sektor ng imprastruktura ang mga tumamang bagyo at P8.6 million ng halaga ng pinsalang natamo ng sektor ng agrikultura.

Nakapagtala din ang ahensiya ng mahigit 7,000 kabahayan na bahagyang nasira at 437 na iba pa ang nawasak.

Sa datos nitong umaga, may 34 na kalsada rin at 24 na tulay ang hindi madaanan habang nagpapatuloy pa ang mga isinasagawang clearing operations.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph