
Bukod tangi itong Cainta dahil ito lamang ang kauna-unahang local government unit na may isang programa na kumakalinga sa mga taong natutulog sa bangketa at walang matuluyan para magpalipas ng gabi.
Sa ilalim ng nasabing programa, nagpatayo ng isang facility na kung tawagin ay “One Cainta Community Shelter” kung saan dinadala rito ang mga taong nagpapalipas ng gabi sa mga waiting sheds, saradong mga tindahan, at mga bangketa dahil walang matuluyan.
“Itatawid natin sila sa abot ng ating makakaya. Huwag na natin silang husgahan kung bakit sila nandun. Basta ang pagtulong natin, hindi magtatanong, hindi manghuhusga, at hindi mananawa,” ang sabi ni Cainta municipal administrator Kit Nieto sa kanyang social media post.
Gabi-gabi tuwing alas-singko ng hapon may mga pumipila na sa nasabing facility o diya sinusundo sila ng mga roving teams ng munisipalidad kapag nakitang nakahiga sa mga lansangan.
Ang kauna-unahang pasilidad na pinapatakbo ng lokal na pamahalaan, pormal na binuksan ang nasabing shelter sa may kahabaan ng Westbank Floodway sa Barangay San Andres noong Marso 29, 2023. Isa ito sa mga pangunahing proyekto ni dating mayor Kit Nieto na pansamantalang nahinto noong panahon ng pandemya.
Nakita kasi ng lokal na pamahalaan ang pangangailangan ng mga tao, nakatira man sa Cainta o mga nagpapalipas lamang ng gabi sa bayan pero walang matuluyan, upang matiyak ang kanilang kaligtasan mula sa mga elemento, para sa isang lugar na matutuluyan, para maligo, kumain, at matulog, sa halip na matulog sa mga upuan, bangketa o kahit saan.
Nagtalaga ng “nightwatch team” ang lokal na pamahalaan para magpatrolya o mag-ikot sa buong bayan para maghanap ng mga taong nagtutulog sa lansangan o kung saan-saan man tapos dadalhin sila sa nasabing shelter sa ilalim ng pangangalaga ng mga social worker at volunteer.
Bukas din ang nasabing pasilidad sa mga walk-in simula alas singko ng hapon. May mga social worker na nakatalaga roon para tugunan ang kanilang mga pangangailangan tulad ng pamasahe papunta sa kanilang probinsya, mainit at disenteng pagkain, medikal na atensyon o isang bagong simula sa buhay. May magkahiwalay na kwarto para sa mga lalake at babae.
May evacuation center naman sa ikalawang palapag ng gusali, na sadyang idinisenyo para sa mga nakatira sa Westbank floodway tuwing may bagyo. Kapag hindi ginagamit, maaari itong magsilbing basketball court.