
Bilang isa sa kanyang mga adbokasiya, inihayag ni senatorial candidate Luis “Chavit” Singson ang kanyang buong pagsuporta sa mga motorcycle riders at ang kanyang adhikain na road safety sa bansa.
Ang kanyang layunin na maisaayos ang transportation policies ang nagtutulak sa kanya upang pagbutihin ang kalagayan ng mga motorcycle riders.
Nitong Linggo, naging panauhin pandangal si senatorial candidate Singson ng mga motorcycle riders mula sa buong bansa sa Iloilo Convention Center para gunitain ang mga naging biktima ng aksidente sa kalsada.
Si Singson -- na kilala rin bilang Manong Chavit -- ay naglalayong paigtingin pa ang kaalaman ng bawat isa kaugnay sa road safety measures.
Inorganisa ng Motorcycle Philippines Federation (MPF), ang pagtitipon ay tumawag ng pansin sa nakakabahalang pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motoriders.
Ayon kay Arturo Sta. Cruz na administrative director ng MPF, inaalala ng grupo ang mga nasawi mula sa mga road accidents kaya naman inilunsad nila ang pagtitipon upang magkaroon pa ng mataas na awareness ang mga motorcycle riders tungkol sa road safety.
Tinawag rin ni Sta. Cruz si Singson na “ang ninong ng mga riders,” at binigyang-diin ang kanyang mahalagang papel sa pagsuporta sa komunidad ng motorsiklo.
“Lahat ng kailangan namin, binigay sa amin ni Manong Chavit. One call away, nagagawa niya,” sabi ni Sta. Cruz, na nagpasalamat sa kabutihang-loob at dedikasyon na ipinakita ni Manong Chavit sa mga riders.
Si Manong Chavit naman, sinabing ang kanyang pakiki-isa sa mga riders at sa mga nabiktima ng mga sakuna sa kalsada ang kanyang pangunahing inspirasyon upang palawigin pa ang pagsusulong ng road safety.
“Nandito ako para sa inyo,” saad ni Singson.
Binigyang-diin rin nito na mahalaga ang pagtitiwala at mabilis na pagkilos na gabay sa kanyang political career at panuntunan sa buhay, “May Isang Salita.”
Ibinahagi niya kung paano ginabayan ng prinsipyong ito ang kanyang serbisyo publiko, na tinitiyak na kapag nasabi niya ang isang bagay, ito ay naisasagawa.
Sinigurado niya sa pagtitipon na kung mahalal bilang senador, patuloy niyang prayoridad ang kanilang mga pangangailangan at itataguyod ang mga hakbang upang maprotektahan sila sa kalsada.
“Alam ninyo ang track record ko,” saad ni Singson . “Kapag sinabi kong may gagawin ako, gagawin ko. Patuloy ko kayong susuportahan at ang inyong adbokasiya para sa kaligtasan sa kalsada at mas mahusay na proteksyon para sa lahat ng mga riders.”
Nanawagan rin siya sa gobyerno at taumbayan na gumawa ng mga proactive na hakbang upang maiwasan ang mga aksidente lalo na sa transportasyong publiko.