
Sa mga mesa sa kainan o restoran, pamilyar ang karatulang “reserved” na ang ibig sabihin ay nakareserba na ito para sa ibang customer. May mga restoran talaga na panuntunin ang pagpapareserba ng mga kakain bago sila pumunta roon. Para ito masiguro na may mauupuan at makakakain ang customer. Kung hindi nagpareserba at marami ang nais kumain roon, maaaring hindi agad makaupo ang walkin customer at kailangang maghintay ng mesang mababakante para makakain.
Ang pagrereserba ay unahan rin. Ang unang nagreserba ang makakakuha ng bakanteng mesa o ng huling bakanteng mesa.
Sa pagpaparada ng sasakyan sa mga parking area, pareho ang panuntunan. Kung sino ang unang makareserba ng slot, siya ang makakaparada roon. Ngunit walang reserbasyon sa mga parkehan. Unahan lagi rito. Kung sino ang unang makakuha sa espasyo ay siyang makakaparada rito.
Pahirapan ang paradahan sa Metro Manila kung saan sobrang dami ng mga sasakyan. Karaniwan ang agawan at unahan sa mga bakanteng paradahan. Kaya naman naging pagkakakitaan ng ilang tao ang pagreserba at pagtuturo ng bakanteng paradahan sa mga motorista.
Isa sa mga paraan ng mga tagareserba ay tumayo sa bakanteng pwesto upang hindi maagawan ng motoristang naghahanap ng mapaparadahan. Ang kasama ng driver ay natuto na ring gawin ito upang hindi siya mahirapan humanap ng bakanteng pwesto.
Subalit ang ganitong kaparaanan ay nagiging sanhi ng awayan sa paradahan sa mga shopping malls at hotel sa Maynila. Hindi kinikilala ng mga motorista na nakuha na ang pwestong paradahan kung may taong nakatayo rito.
Dahil sa kontrobersyal na pagtayo sa mga paradahan, may mambabatas na naghain ng panukalang batas na nagbabawal rito.
Sa House Bill No. 11076 o ang Mindful Parking Act (MPA) ni Akbayan party-list Rep. Percival Cendaña pagmumultahin ang mga tatayo sa mga bakanteng paradahan o ang driver na kasama niya. Isa ring parusa sa ilalim ng batas ang pagbawi sa lisensya ng driver.
Mukhang hindi na kailangan ng batas sa isyung ito. Kailangan lamang na ipagbawal ng mga shopping mall o hotel ang pagtayo sa mga bakanteng paradahan.
Sakaling maging batas ang MPA, magiging bawal rin ba ang pagrereserba ng mesa sa mga kainan?