SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Piit sa Palawan

editorial
Published on: 

Sa mga bilanggo ng New Bilibid Prison (NBP) at Correctional Institution for Women (CIW), magiging matindi ang pangungulila sa pamilya kung mailipat na sila sa Palawan sa 2028, ayon sa anunsiyo ng Kalihim ng Hustisya. Sa layo ng bagong piitan nila, maaaring maging madalang ang dalaw ng kanilang mahal sa buhay.

Mas malaki ang bagong piitan na nasa 25,000 ektaryang lupa kaya malulutas ang kasikipan na iniinda ng mga preso ng NBP sa siyudad ng Taguig at sa CIW sa Mandaluyong City. Subalit kapalit naman nito ay distansya na makakaputol sa ugnayan nila sa kani-kanilang pamilya.

Bagaman may mga presong ganito ang karanasan, tulad ng mga presong nasa Iwahig at Davao Penal Colony, nakasanayan naman siguro nila ang maging malayo sa piling ng mahal sa buhay at nakapag-adjust sa pamumuhay roon bilang mga magsasaka. Kasama na ang dusang iyon sa parusa sa kanila sa krimeng ginawa.

At siguro naman ay mas makabubuti sa kanilang kalusugan na makulong sa Palawan.

Hindi naman lubos na mapuputol ang dalaw mula sa kanilang pamilya. Magiging hamon lamang ang distansya dahil malaki ang gastos sa pamasahe at maaaring hindi kayanin ng mga dadalaw sa kanila.

Marahil ay maiging magkaroon ng programa ang Bureau of Corrections na insentibo sa mga nagpapakabait na preso kung saan ay aakuhin ng sangay ang gastos sa pamasahe ng pamilyang dadalaw sa kanila.

Marahil ay magkaroon rin ng programa ang BoC na bigyan ng panahon at libreng video call ang preso sa Palawan at kanyang pamilya.

Siyempre, ang pinakamaiging paraan na maiwasan ang pangungulila sa pamilya ay ang hindi gumawa ng krimen upang hindi makulong. Magsisilbing babala sa mga nagbabalak maging kriminal ang malayo sa kanyang mga mahal sa buhay dahil sila ay ipapatapon sa Palawan. At kung marami ang matatakot na makulong sa Palawan at iiwas na gumawa ng krimen, makakatulong ito para sa kapayapaan at kaligtasan ng lahat.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph