Naging matagumpay ang kampanya ng gymnast na si Karl Eldrew Yulo sa 3rd JRC Artistic Gymnastics Stars Championships na ginanap sa Thailand nitong nakaraang linggo kung saan nakopo niya ang apat na gintong medalya.
Si Karl– na kapatid ni Paris Olympics double gold medalist na si Carlos Yulo – ay nagpakitang gilas sa junior individual all-around event, floor exercise, still rings at vault kasunod nang kanyang silver medal finish sa parallel bars at team all-around event.
Ang kanyang pagpupunyagi sa larangan ng gymnastics kasunod ng kanyang kapatid na Olympian ay talaga namang pinaghirapan niya lalo na nang sumabak siya sa isang matinding training camp sa Tokyo sa ilalim ng Japanese mentor na si Munehiro Kugimiya na siya ring mentor ni Carlos.
At sa kanyang tagumpay, naging kaisa niya si senatorial aspirant Luis “Chavit” Singson na nagbigay sa kanya ng P500,000 na insentibo dahil sa karangalang natamo niya sa ibang bansa.
Kasama ni Karl sa simpleng turnover ang kanyang ina na si Angelica, ang amang si Andrew at kapatid na si Elaiza, pati na rin ang anak ni Singson na si Ako Ilocano Ako party list Representative Richelle Singson-Michael.
Si Singson – na mas kilala bilang Manong Chavit – ay isa sa mga patuloy na sumusuporta sa Philippine sports. Siya rin ang manager ng professional boxing career ni Charly Suarez nang walang hinihinging kapalit habang nagsisilbing chairman emeritus ng Philippine National Shooting Association.
Madalas din siyang makitang bumisita sa PBA para maramdaman ang aksyon, lalo na noong nakaraang PBA Governors’ Cup finals series sa pagitan ng TNT Tropang Giga at Barangay Ginebra.
Malapit din sa kanyang puso ang pamilya Yulo.
Dalawang linggo na ang nakararaan, binigyan sila ng mahal at iginagalang na dating Ilocos Sur governor ng P1 milyon bilang maagang pamasko kasabay ng pagnanais na ayusin nila ang mga bakod ni Carlos.
“Ang pagmamahal at paggalang ay mahahalagang pagpapahalaga ng isang pamilyang Pilipino,” sabi ni Singson, na kilala sa pagiging mapagmahal na ama sa kabila ng kanyang matinding political will at determinasyon na mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
“Inaalay ko ang aking sarili na maging instrumento nang pagpapatawad sa loob ng pamilyang Yulo. Ang tanging hiling ko lang ay maayos na nila ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan at magkaisa sa pagdiriwang ng Kapaskuhan,” dagdag niya.