
Nang manalasa ang bagyong “Carina” noong Hulyo, binaha ang maraming bahagi ng Metro Manila. Ngayong buwan naman, isa na namang bagyong may pangalan rin ng babae, “Kristine,” ang nagpalubog ng maraming lugar sa Luzon, lalo na ang Kabikulan.
Sa tumitinding lakas ng mga bagyong humahagupit sa bansa, tumitindi rin ang dulot nilang pinsala sa mga mamamayan. Mas maraming bahay at ari-arian ang nasisira ng mas malakas na bagyo. Patuloy rin ang pagkawala ng buhay.
Mabuti na lamang at batid ng pamahalaan ang lumalalang kalamidad kaya naman tinapatan nito ng karampatang lunas at tulong ang mga nasalanta ng bagyo.
Ang Department of Social Welfare and Development, ang pangunahing ahensya na tumutugon sa kalamidad, ay nagpupwesto na ng mga tulong na pagkain at gamit sa mga lugar na inaasahang masasalanta ng bagyo nang sa gayon ay mabilis na maipamahagi ito sa mga apektadong mamamayan. Mas marami rin ang sari-saring tulong na binibigay nito, kabilang na ang mga panlinis ng tubig para ligtas itong inumin at mga lutuan para sa mga donasyong bigas at delata.
Ang mga ahensya ng Pag-IBIG Fund at Social Security System ay nag-aalok ng pangutang sa mga miyembro na kailangang bumili ng pamalit na gamit sa mga nawalang ari-arian o para sa pagpapaayos ng nasirang bahay.
Bukod sa dalawang ahensya na tumutulong upang mapagawa o mapalitan ang napinsalang bahay ng mga biktima ng bagyo at pagbaha, ang bagong ahensya na Department of Human Settlement and Urban Development ay naglalaan rin ng pondo para sa pagpapagawa ng nasirang tahanan.
Naririyan rin ang mga lokal na pamahalaan na tumutulong sa sari-saring paraan sa mga nasalanta ng bagyo at iba pang kalamidad.
Dahil sa mas malawak na serbisyo publiko sa panahon ng kalamidad, naisasaayos ng pamahalaan ang mga buhay-buhay ng mga nasalantang mamamayan kaya naman napanunumbalik nila ang normal nilang pamumuhay. At sakaling muling salantain ng natural na kalamidad ang mga nakabangon sa dating bagyo, lindol, sunog at iba pang sakuna, sila’y napatatag na ng mga naunang tulong na naibigay sa kanila at handang harapin ang mga darating pang hagupit ng nagbabagong panahon.