Aminado ang aktres at singer na si Julie Anne San Jose na talagang inaatake siya ng matinding niyerbyos nang siya ang napili bilang 2025 Calendar Girl ng Ginebra San Miguel.
Ayon sa dalaga, hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na mabibigyan siya ng chance na makahilera bilang Calendar Girl ang ilan sa mga iniidolo niyang celebrities.
Kung matatandaan, ang mga naging GSM Calendar Girls ay sina Marian Rivera (2009 at 2014), Anne Curtis (2011), Solenn Heusaff (2012), Pia Wurtzbach (2019), Sanya Lopez (2020), Christelle Abello (2021), Chie Filomeno (2022), Yassi Pressman (2023), at Heaven Peralejo (2024).
“Nakakakaba but at the same time nakaka-excite because this is the first time that I’m doing this. Parang rebirth para sa akin bilang isang babae na maipapakita ko yung ibang side ko. ‘This is the moment! Basta, this is the moment!” sabi ni Julie Anne.
“Nape-pressure ako! Ha-hahaha! Na-pressure ako but at the same time, I feel proud. Kasi, to stand along side these women, women of influence, talagang nakaka-proud. Parang nakaka-proud maging babae,” dagdag niya.
Feeling proud and grateful din si Julie na makapag-portray ng iba’t ibang persona bilang Calendar Girl.
“Yung mga artworks, or yung mga masterpieces ng iba’t ibang mga iconic artists natin. Parang meron siyang resemblance sa akin as an artist. So there’s me as a singer, as a dancer, as a performance host, as an actress, ahhmm as an influencer. Parang iba-iba siya, and I get to be anything I want to be pagdating sa craft ko,” sabi ng dalaga.