
Marami sa ating mga kababayan ang nangingibang bayan upang kumita ng mas malaking sahod sa kung anu-anong trabaho. Kahit pa katulong ang trabaho ay nakikipagsapalaran sila upang mabuhay ang kanilang pamilya dahil ang sahod ng trabaho sa Pilipinas ay mababa at kulang.
Marami rin ang nagtatrabaho bilang caregiver o taga-alaga ng bata o matanda. Mayroong mga laborer o construction worker, waiter, saleslady at siyempre, hindi mawawala ang mga marino na di hamak na mataas ang sahod dahil sa mapeligro nilang propesyon.
Isa pang trabaho sa ibayong dagat na mataas ang sahod ay ang pagiging nars sa mga ospital o sa pribadong kliyente.
Kamakailan ay nalaman ang isang bagong trabaho na mataas ang sweldo ayon sa mga balita. Subalit kontrobersyal ito dahil umano ito ay ilegal. Gayunpaman, maraming Pinay ang sumubok na maging surrogate na nanay sa pangakong kikita sila ng mula $8,000 hanggang $10,000.
Sa trabahong ito sa Thailand, pagbubuntisin ang babae sa pamamagitan ng in vitro fertilization. Matapos ang siyam na buwan at panganganak, babayaran sila pero ang sanggol na iluluwal nila ay mapupunta sa nagpa-surrogacy na karaniwan ay walang anak at gustong magkaanak.
Talamak na ang trabahong ito at ginagawa sa Rusya at Ukraine dahil sa laki ng kita rito. Kaya naman pati mga Pinay ay sinusubukan ito.
Ngunit sa Cambodia ay iniligtas umano ang mahigit isang dosenang buntis na Pinay na nagtatrabago bilang surrogate. Bawal kasi ang ginagawa nila sa bansang iyon, at ibabalik sila sa Pilipinas pagkatapos manganak.
Masakit kung hindi sasahod ang mga surrogate na Pinay matapos maghirap ng siyam na buwan. At kung hindi rin ibibigay ng mga kinauukulan roon ang mga sanggol na kanilang iluluwal sa mga nagbayad upang magkaanak sa kanila, doble ang dagok sa mga Pilipina.
Marahil ay may iba pang Pilipina na nagsu-surrogate upang kumita. Ano ba ang tamang pagtugon sa ganitong propesyon na kailangan rin nila bilang hanapbuhay?