
Kahapon ay nagkaisa ang pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources at ang pribadong sektor, kabilang ang SM Supermalls at BDO, para sa pag-aambagan para pangalagaan at paramihin ang anim na hayop sa Pilipinas na kakaunti na lamang at nanganganib maubos dahil sa lumiliit nilang tahanan, ang kagubatan, at sa pangangaso sa kanila. Nagkasundo sila, sa pinirmahang kasulatan, na magsasanib pwersa upang mapreserba ang haribon o Philippine Eagle, tamaraw, dugong, cuckatoo, pangolin at pawikan para sa mga susunod na henerasyon.
Maganda ang hangarin ng pamahalaan, BDO, SM malls at mga organisasyong nangangalaga at nagliligtas sa mga nasabing hayop. Hihikayatin nila ang publiko na mag donasyon ng pera sa mga alkansyang nakakalat sa mga SM malls o sa mga bangko ng BDO para magamit ng mga organisasyon na tulad ng Philippine Eagle Foundation para sa pagliligtas, pangangalaga at pagpaparami ng mga haribon. Boluntaryo naman ang pagdodonasyon at inaasahan na sa dami ng mga lugar kung saan maaaring makapag-ambag ang publiko ay makakalikom sila ng sapat na pondo para sa mas maigting na pagtupad ng kanilang mga adbokasya.
Hindi lang tao ang kailangang pangalagaan sa mundo kundi mga hayop lalo na ang mga nabanggit na sadyang matindi ang sinasapit sa kamay ng ibang tao. Ang mga pangolin, halimbawa, ay hinuhuli upang gawin gamot ang mga bahagi nito dahil sa paniniwalang nakakapagpagaling ito ng mga sakit. Ang pawikan naman ay hinuhuli upang kainin at gawing palamuti ang shell nito. Gayundin ang mga haribon na walang pakundangang binabaril ng mga modernong mangangaso para sa walang katuturang saya, pagyayabang o pagkain nito.
Sa totoo lang, walang kasiguruhan ang kahihinatnan ng pagsasama-sama ng mga nabanggit na organisasyon para mailigtas ang mga pangolin, cuckatoo, pawikan, haribon, tamaraw at dugong sa mga banta at kalaban nila. Kahit pa siguro sobra-sobrang pera ang malikom nila para sa operasyon ng mga nag-aalaga ng mga nailigtas na hayop kung nananatili ang maling paniniwala ng mga tao na mga gamot sila sa sari-saring karamdaman o pagkain.
Kailangan ng kasabay na matinding edukasyon sa mga tao na hindi gamot o pagkain ang mga hayop na ito para patayin.