
Malaking kabalintunaan ang Nobel Peace Prize mula nang ito’y sinimulang igawad noong 1901 ng Nobel Prize Committee ng Norway ayon sa huling habilin ni Alfred Nobel na namatay noong 1896. Ang nasabing premyo ay para sa indibidwal o organisasyon na may pinakamahalagang ginawa para mapalaganap ang kapayapaan sa mundo, lalo na ang paglalansag o pagbabawas ng mga sandatahang lakas.
Unang-una, si Nobel ay ang nag-imbento ng dinamita na siyang ginamit sa mga digmaan at sumawata sa kapayapaan.
Sa taong ito, ang ginawaran ng Nobel Peace Prize, ay ang grupo ng mga survivor ng bomba atomikang sumabog sa Hiroshima at Nagasaki, Japan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagaman isinulong ng Nihon Hidankyo ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagtatawag ng paglalansag ng mga armas na nukleyar, wala naman itong nakumbinse na maglansag ng kanilang bomba. Bagkus ay patuloy ang mga superpower na mag-imbak at gumawa ng mga ganitong bomba at nagbanta pa na gagamitin laban sa kanilang mga kaaway.
Kontrobersyal din na sila ang ginawaran ng Nobel Peace Prize sa panahon na kaliwa’t kanan ang mga digmaan na kinamamatay ng libu-libong bata at kababaihan.
Naaatim ba ng mga nanalo na tanggapin ang tropeo at perang kasama ng Gawad habang maraming buhay ang nakikitil sa mga pambobomba ng mga sibilyan sa Gitnang Silangan at Europa?
Marahil ay mas mainam na ihinto muna ang paggagawad ng premyong ito hanggang may umiiral na digmaan sa mundo dahil walang kapayapaan kung may gyera.
Igawad na lamang ng Nobel Prize Committee ang mga premyo para sa mga nakagawa ng pambihirang bagay o saliksik na ikauunlad ng sangkatauhan.
Sinasabing pakana ni Nobel ang papremyo sa kapayapaan bilang kabayaran niya sa lagim na hinahasik ng kanyang inimbentong pampasabog. Para sa mga biktima ng kanyang imbensyon, lalo na ang mga napatay nito, insulto marahil na may gagawaran ng papremyo ni Nobel na tila kasabwat pa sa kamatayan ng maraming sibilyan at mga inosenteng bata, babae at matatanda.