SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Benteng bigas, gasgas

editorial
Published on

Mag-eeleksyon na naman sa susunod na taon kaya kanya-kanyang pangako na naman ang mga kumakandidato sa pagkasenador at kongresista. May isang nag-aambisyong mambabatas na mahalal na senador at kanyang ipinapangako umano na ibababa niya ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.

Ang nasabing pangako ay ginamit na noong nakaraang halalan at marami ang napaniwala at bumoto sa kandidatong nangako nito. Ngunit hanggang ngayon, nasa P40 kada kilo o pataas ang pinakamurang bigas na mabibili sa mga palengke at supermarket.

Kung ang National Food Authority ay kaya lamang magbenta ng bigas sa presyong P38 kada kilo, paano kaya maibababa ng kandidato sa P20 ang presyo? Papayag ba ang mga magsasaka ng bigas na bilhin ng mura ang kanilang ani? Malamang hindi dahil mas gusto nilang mahal ang presyo upang sila’y kumite at mabawi ang inutang sa pagtatanim ng palay.

Maaari namang bilhin ng gobyerno ang bigas sa mas mataas na presyo at ibenta ito sa tao ng mas mura na ikalulugi nito. Hindi naman gagawin ito ng gobyerno.

Posible namang pababain ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo kung ang gastos ng mga magsasaka sa punla, pestisidyo at iba pa ay magiging mura. Ngunit gagastos na naman ang gobyerno ng subsidy.

Sa madaling salita, suntok sa buwan ang pangako ng kandidato.

Ang tanong ay papatulan pa ba ng mga botante ang ganitong pangako kung hindi naman naisakatuparan ng kasalukuyang administrasyon ang pangakong P20 na bigas, dalawang taon na ang nakalilipas matapos ang huling halalan?

Sa mga maniniwala at boboto sa kandidatong paasa, karapatan nila iyon.

Sa mga botanteng hindi boboto sa kanila, hindi katakatakang hindi sila paniwalaan dahil sa wala namang P20 kada kilong bigas na mabibili ngayon.

Gasgas na ang stratehiyang murang bigas ng mga kandidato sa halalan. Ang mga maniniwala dito ay marahil may amnesia at nakalimot sa pangakong napako.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph