SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Hindi na ‘sana ol’

Hindi na ‘sana ol’
Published on

Ang mga empleyado ay kinakaltasan ng sahod para sa kontribusyon sa PhilHealth buwan-buwan. Ang kontribusyon ay marapat lamang na magamit ng empleyado sa oras na magkasakit siya at kailangang magpagamot sa duktor at ospital, kasama na ang pagbili ng gamot dahil sa kanya naman ang pera. Hindi dapat pinipili ng PhilHealth ang sasagutin nitong karamdaman o pinsala ng miyembro dahil hindi naman alam ng tao ang dadapong sakit sa kanya o mararanasang aksidente.

May panahon na hindi sinasagot ng PhilHealth ang ibang karamdaman kahit todo pondo sa mga ibang may karamdaman. Hindi patas ang benepisyong nakukuha ng miyembro kahit minsan lang niyang gagamitin ito dahil sa biglaang sakuna o sakit. Kaya napipilitang mangutang pa ang pasyente kahit na nakapaghulog naman siya ng maraming taon sa PhilHealth.

Kaya naman napapanahon na saklawin ng benepisyo sa PhilHealth ang pagpapa-MRI, CT scan at PET scan ng mga outpatient. Sadyang napakamahal ng mga ganitong laboratory test. Ngayon lang inanunsyo ng PhilHealth ang mga ito na pinopondohan lang kung ang pasyente ay naka-confine sa ospital.

Maraming sakit at pinsala na hindi naman kailangang gamutin sa loob ng ospital. Kaya dapat lang na ibigay ng PhilHealth sa mga outpatient ang benepisyong pagpapa-MRI, CT scan at PET scan.

Sinaklaw rin ng PhilHealth ang pagpapagamot sa mga may malnutrisyon, lalo na ang mga bata. Batid ng gobyerno ang problema sa gutom ng maraming mamamayan, lalo na ang mga batang mag-aaral. Kaya nga puspusang ang mga ahensya ng DSWD at DOH sa paglulunsad ng mga pakain at pamimigay ng pagkain sa mga batang mag-aaral.

Ang paglulunsad ng PhilHealth ng pakete para sa paggagamot ng mga may malnutrisyon ay tinuturing na kauna-unahan sa mundo. Walang health insurance para sa malnutrisyon, ang pagmamalaki ng PhilHealth.

Marami pang benepisyong pangkalusugan at paggagamot na dapat na nakukuha ng mga mamamayan ang idinadagdag ng PhilHealth at tama lamang ito dahil may pondo naman mula sa kontribusyon ng milyon-milyong empleyado na malulusog at hindi pa gumagamit ng benepisyo nila.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph