
Sa kanyang talumpati sa pulong ng Partido Demokratiko Pilipino and Lakas ng Bayan (PDP-LABAN) nitong nakaraan, sinabi ni Duterte na may magandang performance at tagumpay umano na nakikita sa kasalukuyang administrasyon.
Dagdag niya, kumpara noong ang ama ni Marcos ang namumuno ay maraming mga panunupil ang nasabing nangyari.
Naniniwala din si Duterte na basta hindi lamang sirain ng ibang kaalyado ni Pangulong Marcos ay magiging mapayapa ang bansa.
Una rito, sa mga nakaraang Hakbang ng Maisug rally, naging vocal ang Duterte supporters sa pagpapa-resign kay Marcos.
Maging sa ibang mga bansa na mayroong organisadong Maisug groups ay dati ring ipinanawagan ang pagbibitiw ng chief executive.
Kung matatandaan, sinabi ni Duterte na dapat bigyan ng pagkakataon ang ibang indibidwal na mamuno sa bansa kasunod nang mga balitang naglalabasan sa posibleng kandidatura sa pagkapangulo ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte sa 2028.
Ayon kay Duterte, tama na ang isang presidente sa isang pamilya.
Dagdag pa ng dating Pangulo, alam niyang malakas ang laban dahil naging presidente siya ng bansa pero dapat ay ipaubaya na umano sa iba.
Nitong nakaraan ay sinabi ni VP Sara na iaanunsyo niya sa 2026 ang kanyang mga plano sa halalan o halos isang taon bago maghain ng certificate of candidacy para sa 2028 election.
Sa ibang balita, surpresang binisita ni VP Sara sa lungsod ng Naga si dating Vice President Leni Robredo nitong araw ng Biyernes.
Kinumpirma ito ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez.
Sinai ni Gutierrez na nasa Naga ang Bise Presidente dahil dumalo ito sa Peñafrancia Festival.
Sinamantala na rin ng pangalawang pangulo ang pagkakataon na dalawin si Robredo.
Paglilinaw naman ni Gutierrez na nagkaroon lamang sila ng personal na pag-uusap at iniwasan ang anumang usaping pulitika.
Magugunitang taong 2019 ng tinawag ni Vice President Duterte si Robredo na isang “Fake VP” bilang tugon sa komento ng pagiging tapat ng isang kandidato.