SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Cindy Miranda, prinsesa ng mga di pa nga sikat, laos na agad

alwin ignacio
Published on

Ang dating beauty queen, VIVAMAX starlet at ngayon ay nagpapaka-aktres at leading lady na si Cindy Miranda, ang taguri ng mga daldakina at katkaterang totoo, karapadapat na tawaging prinsesa ng mga hindi pa nga sikat, laos na agad.

Ay, ang savage niyo naman masyado kay Cindy, huh! Kasi nga, kaya may ganitong label si binibining Miranda, ang pangmalakasang mga pelikula sana niya na dapat magdeklara na siya ay pangunahing aktres, pawang luha at panaghoy ang sinapit nung ang mga ito ay ipinalabas sa mga sinehan.

At pulos A-lister pa man din ang naging kapareha niya, ang pagkahusay-husay na aktor na si JM de Guzman sa “Adik Sa ‘Yo,” ang pinakamakisig na lalaki sa balat ng lupa, si Kiko Estrada sa “40” at ang lalaking minsan ay 12 taong minahal ni Kim Chiu, hindi man niya leading man, direktor niya si Xian Lim sa “Kuman Thong.” Sa tatlong pelikulang ito, parang sila-sila lang ang may alam, sila-sila rin ang mga nagsi-panood at pwedeng mag-patintero at luksong baka sa mga sinehan.

Maganda si Cindy, check. Maalindog, check na check. At sa usapin na maging patas, may kakakayahan siya sa pag-arte kaya katakataka at tunay na nakakahibang na ngayong nagpapaka-aktres na siya, ang mga barakong narahuyo sa kanya, ayaw siyang panoorin at kung may babae mang humanhanga sa kanya, tila mas lamang ang mga inggitera kaya ginagawa nilang lahat ang paraan para langawin sa takilya ang mga proyekto ni binibining Miranda.

Ang saklap naman! Ayaw siyang bigyan man lang, kahit isang box office hit movie para masabing her estrella has arrived, huh!

Kung siya nga ang prinsesa ng mga hindi pa nga sikat eh laos na agad, may aabangan pa ba tayong magluluningning kay Cindy Miranda? O look na lang tayo sa sky at hayaan sina Zaido at ang mga Pulis Pangkalawakan ang magpasya kung kukutitap pa ba ang kanyang bituin.

***

Marami ang nalulungkot at naawa sa kasalukuyang kalagayan ng aktor na si Ken Chan. Kahit pa nga kapapanalo lamang niya bilang pangunahing aktor para sa “Papa Mascot” na ibinigay ng isang academe-based award giving body, mas marami ang mas gustong pagtuunan ng pansin ang “syndicated estafa” case na kanyang kinasasangkutan.

Nakakabahala rin ang mga nagpapanggap ng may malasakit kay young master Chan at ang mga nagsusulat at naglulubid ng mga kwento na diumano ay mula sa mga mapapagkatiwalaang source.

Ang tanging source at may bersyon ng katotohanan sa pangyayaring ito ay si Ken kaya kahit magtanong pa kayo sa kung sino-sino, at inyong sinasabi na talagang mapapagkatiwalaan ang impormasyon mula sa inyong sources, mas mainam na manahimik na lamang at hayaan kung sino ba talaga ang itinalagang legal counsel ni Chan para magsumite ng mga dapat i-sumite sa Korte at siya rin lamang ang may karapatang magbigay ng opisyal na pahayag patungkol dito.

Tiyak, pag-uwi ni Ken Chan, lahat ng mga bagay-bagay na ito ay kanyang haharapin. Mabuti at mabait na tao ang mahusay na aktor kaya wag natin itong pangunahan sa kung ano ang kanyang dapat gawin at huwag tayong magsalita on his behalf na umaarte tayong alam natin ang puno’t dulo ng lahat.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph