SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Bantay sarado laban sa bantay salakay

Bantay sarado laban sa bantay salakay
Published on: 

Subok na ang Tsina sa pagbabantay-salakay. Dahil walang bantay sa Subi Reef sa West Philippine Sea, sinakop ito ng mga Intsik noong 1988 at ginawang base militar nila.

Sumunod na sinakop ng Tsina ang Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc na nasa teritoryo ng Pilipinas. Sinamantala muli ng mga Intsik walang bantay sa lulubog-lilitaw na bato nang umalis ang barko ng Pilipinas roon noong 2012. Mula noon, hinarang na ng mga barko ng Tsina ang mga barkong pumupunta roon upang mangisda. Hindi na rin nakabalik at nabawi ng barko ng Philippine Navy o Philippine Coast Guard ang Bajo de Masinloc.

Mula noong Abril, binantayan ng barkong BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard ang Escoda Shoal upang hindi masakop na Tsina tulad nang nangyari sa Scarborough Shoal. Sakay ng Magbanua ang 63 miyembro ng PCG. May mga barko ng Tsina na sinubukang paalisin ang Magbanua ngunit hindi natinag ang PCG sa pambabangga at pangha-harass ng mga Intsik.

Ngunit naubos na ang pagkain at tubig ng mga PCG kamakailan. Nagkasakit ang ilang coast guard sa pag-inom ng tubig-ulan at tubig galing sa aircon. Nitong Linggo, napilitang umalis ang Magbanua sa base upang mapagamot ang mga maysakit at malagyan ng bagong supply ng pagkain at tubig.

Bagaman siniguro ng PCG na mananatili ang pagbabantay nila sa Escoda Shoal sa ibang paraan at babalik rin sila roon, mapanganib na hindi na bantay-sarado ang nasabing bato. Isang pagkakataon ito ng Tsina na sakupin at harangan ang Escoda.

Sana ay may humaliling barko sa Magbanua bago ito umalis o pinadalhan ito ng bagong supply, at kinuha ang mga maysakit at pinalitan ng iba upang mapanatiling bantay-sarado ang Escoda Shoal laban sa mga Intsik.

Ginagawa naman na ang pagsu-supply ng pagkain at tubig sa mga sundalo ng Pilipinas na nagbabantay sa Ayungin Shoal lulan ang nakasadsad na sira-sirang BRP Sierra Madre.

Sakaling masakop ng mga Intsik ang Escoda Shoal, malaking kawalan ito sa bansa at malaking iskandalo ito na haharapin ng nagpabayang PCG at Philippine Navy.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph