
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapapanatili ng pamahalaan ang presensya ng bansa sa bahagi ng Escoda Shoal matapos ang pag-alis ng BRP Teresa Magbanua upang magsagawa ng maintenance at pagsasa-ayos.
Ito rin ang binigyang-diin ni National Maritime Council spokesperson Alexander Lopez at ayon sa kanya, mahigpit ang direktiba ni Marcos na huwag aalisan ng presensiya ang area kasunod ng ikinakasa na ngayong deployment ng mga bagong tao sa lugar.
Paglilinaw din niya, hindi lang naman physical presence ang tinutukoy dito at sa halip ay tuloy-tuloy din at ramdam nito ang strategic presence sa Escoda Shoal.
Dagdag pa niya, mali umano ang magkaroon ng pananaw na dahil sa nag pull out ang BRP Teresa Magbanua ay nabawasan ang presensiya sa lugar.
Ayon sa opisyal, maraming paraan na maaaaring ipatupad para patuloy na matutukan ang lugar gaya ng pagpapalipad ng eroplano, paggamit ng technical surveillance capability at paghingi ng tulong sa mga kaalyadong bansa.
Sinabi rin ni Lopez na may barko nang papalit sa BRP Teresa Magbanua para mag patrolya sa Escoda Shoal, pero tumanggi muna siyang tukuyin kung anong barko ng Philippine Coast Guard ang ipinalit sa BRP Teresa Magbanua.
Ayon kay Lopez kasalukuyang naglalayag na ito at posibleng malapit na ngayon sa bisinidad ng Escoda shoal.
Ang pagpapadala ng panibagong barko ay kasunod ng ibinabang direktiba ni PCG Commandant Ronnie Gil Gavan.
Mahigpit din umano ang utos sa kanila ni Pangulong Bongbong Marcos, na panatilihin hindi lang ang physical presence/ kundi maging ang strategic presence ng Pilipinas sa lugar.
Kabilang sa mga modalities na ito ng AFP at PCG ay ang technical coverage, kung saan kaya pa ring ma-monitor at ma-detect ang anumang illegal na aktibidad sa lugar. Nakikipag tulungan din anya sila sa mga kaalyadong bansa tulad ng Japan at US para sa naturang aspeto.
Muli namang nilinaw ni Lopez na humanitarian ang dahilan, kung bakit ibinalik sa homeport ang BRP Magbanua, at hindi dahil nag withdraw na ang Pilipinas sa karapatan nito sa Escoda.
Nabatid na nagkakasakit na ang mga crew ng BRP Magbanua, at nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Tiniyak rin ng National Maritime Council (NMC) na isusustini ng gobyerno ang presensiya nito sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea at magpapatuloy ang gagawing monitoring ng pamahalaan sa lugar at ido dokumento ang mga iligal na aktibidad ng China.
Binigyang-diin ni Lopez na naging lesson learned na para sa Pilipinas ang nangyari sa Scarbourough Shoal na sinakop ng China.
Ipinunto pa ng opisyal na gagawin ng pamahalaan ang lahat mapanatili ang presensiya sa lugar at matiyak na maipatupad ang sovereign rights ng bansa at jurisdiction nito.
Ang Escoda Shoal ay bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas batay sa 1982 UNCLOS.
Kahapon dumating sa Puerto Princesa Palawan ang BRP Teresa Magbanua.
Samantala, inihayag ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan na nasa maayos na kalagayan na ngayon ang ilang tauhan ng BRP Teresa Magbanua na nagkaroon ng dehydration at sumalit ang tiyan.
Siniguro din ni Gavan na magpapatuloy ang kanilang mandato para protektahan ang teritoryo ng bansa lalo na sa Escoda Shoal.