
Uso na ngayon ang pagsakay ng pribadong kotse imbes na taksi upang pumunta sa paroroonan. Gamit ang cellphone, bubuksan lang ang ride-hailing app at makakapag-book ang sinuman ng sasakyang susundo at maghahatid sa kanila saan man sila naroroon at pupunta.
Napakakumbinyente ng ganitong pagbyahe, may kamahalan nga lamang. Hindi na kasi mahihirapan ang mananakay na maghintay nang matagal sa lansangan upang pumara ng taksi na tatangging maghatid o
mangongontrata at maniningil ng ibang presyo imbes na sa metro ang basehan ng pamasahe.
Marami rin ang tumatangkilik sa mga ride-hailing taxi dahil mukha silang dekotse sa pupuntahan at malinis pa ang sasakyan. Maayos at magalang din ang mga driver nito.
Sa aspeto naman ng kaligtasan, hindi naman kaskasero ang mga driver ng ride-hailing taxi na nagseserbisyo sa Metro Manila at mga pangunahing siyudad sa bansa. Maingat sila sa pagmamaneho. Subalit ang reputasyon ng ride-hailing taxi bilang ligtas na sasakyan ay nabahiran ng duda matapos mabiktima nitong Setyembre 5 ang isang pasahero ng isang driver ng ride-hailing app na may kasabwat.
Nag-book ang isang babaeng Vietnamese ng kotse para sa kanyang byahe at siya’y sinundo sa kanyang bahay sa loob ng subdivision sa Parañaque City ng alas 4 ng umaga.
Nang siya’y nasa gitna na ng biyahe, siya’y hinoldap ng kasabwat ng driver at kinuha ang kanyang P35,000 pera at cellphone. Hindi pa nakuntento ang kasabwat ay hinalay pa ang 32-anyos na dayuhan. Matapos halayin ay ibinaba ang pasahero sa Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Nagsumbong na sa pulis ang biktima at nahuli ang driver ng kotse na naghatid sa Vietnamese sa Cabuyao, Laguna, dalawang araw makalipas ang krimen.
Pinabulaanan ng driver na siya ang nangholdap at nanghalay sa pasahero at itinuro ang kasabwat na pinaghahanap pa ng pulis ngayon.
Dayuhan man ang nabiktima sa nabanggit na insidente, hindi malayong mangyari kaninuman ang ginawa ng mga masasamang-loob. Magkakaroon ng alinlangan o takot ang mga pasahero ng ride-hailing taxi na sumakay sa kanila. Paano ngayon masisiguro ang kaligtasan ng mga mananakay ng ride-hailing taxi?