Maganda na sana ang plano ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na ipinahayag nito noong pagdiriwang ng National Information and Communications Technology nitong Hunyo.
Ayon sa ahensya, palalawigin nito ang programang libreng Wi-Fi upang umabot sa 40 milyong Pilipino ang makikinabang rito sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ipinagmalaki rin ng DICT na umabot sa 8 milyong mamamayan mula sa mga liblib na barangay ang nabigyan nito ng libreng Wi-Fi.
Sinabi ng namumuno ng DICT na si Undersecretary Jeffrey Ian Dy na kakayaning madagdagan ang maaabot ng libreng Wi-Fi dahil mayroon nang National Fiber backbone na siyang magpapababa sa gastos sa Wi-Fi. Isa pang paraan ay ang sama-samang paggamit ng fiber optic cables ng mga telecommunication companies at internet service providers.
Subalit ang magandang balita ay mukhang paasa lamang nang sabihin ni Dy sa pagdinig ng kongreso sa budget ng ahensya na limang buwan lamang na Wi-Fi ang mapopondohan nila sa kanilang hiling na P10.4 bilyong budget para sa 2025.
Ayon kay Dy, ito ay dahil sa P2.5 bilyon lamang ang nakalaan para sa programang libreng Wi-Fi para sa susunod na taon.
Sinabi rin ni Dy na 10 milyong taong naninirahan sa mga liblib ng lugar lamang ang gumagamit at nakikinabang ng libreng Wi-Fi nila.
Bagaman marami na ang 10 milyon, malayo ito sa balak ng DICT na 40 milyong mamamayan na sana ay mabibigyan ng libreng Wi-Fi connection sa buong bansa.
Paano ngayon maipatutupad ng DICT ang plano nito sa napakaliit nilang budget para sa 2025?
May paraan pa kaya ang ahensya na matamo ang target nila sa programa?
Sa panahon ngayon, sadyang kailangang-kailangan ng lahat ng koneksyon sa Wi-Fi o Internet signal na dumadaan sa kableng fiber optic. Ang pamumuhay ngayon ay nakasalalay sa pagkakaroon ng koneksyon o Wi-Fi kaya mahalagang mabigyan ang lahat ng mamamayan ng access dito.
Kailangan pa ng dagdag na pondo para sa libreng Wi-Fi ng DICT o iba pang paraan upang maisakatuparan ang Magandang program anito.