SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

QuadCom, pinapaikot nga lang ba ni Cassandra Ong?

Neil Alcober
Published on

Sa ikaapat na Quad Committee hearing sa Kongreso nitong September 4, 2024 ay muling isinailalim sa interogasyon si Cassandra Li Ong hinggil sa pagkakasangkot nito sa POGO operations sa Porac, Pampanga. Si Ong kasi ang itinuturong majority shareholder ng Whirlwind Corporation na syang nagpapatakbo ng nasabing POGO sa lalawigan.

At sino ang maniniwala na ang 24-anyos na elementarya lamang diumano ang natapos ay kayang maniobrahin ang masinsinang pagtatanong ng mga Kongresista sa pagpapanggap na inosente at ignorante.

Napag-alaman din natin sa QuadCom hearings na ang self-proclaimed dropout na si Cassy Ong ay nag-astang mabangis na tigre na nagpoposturang tupa. Alam na alam nito kung kailan sasagot, kung kailan magmemenor, at kung kailan ito hihiling na makausap ang kaniyang abogado o kaya ay mas magiliw ito sa pagsagot sa mga batang Congressman sa pag-aakala marahil na makukuha niya ang simpatiya ng mga ito kung pagaganahin ang kaniyang “pabebe antics.” Para kay Cassy Ong ay isang katuwaan o laro lamang ang lahat kaya naman nabuwisit na sa kanya si Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ay sinabing “masyado kang pa-cute eh!”

Unang nag-interpellate si Surigao Del Sur Rep. Johnny Pimentel kaya lang nainis ito kay Cassy Ong sa mga alibi nito hinggil sa mga impormasyon sa pagkakasangkot niya sa Lucky South at ang relasyon niya kay Duanren Wu with empty promises para i-double check ang nasabing impormasyon.

Sumunod na nag-interpellate ay si Surigap Del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa kung paano napondohan ng Whirlwind Corporation ang pagpapatayo ng 46 gusali sa Porac Pogo compound. Sa kanyang pag-uusisa ay wala ring napigang impormasyon si Barbers mula kay Cassandra Ong sa halip ay tumugon lamang ito na “Edi tanungin niyo sila.”

Mas lalo pang nagpainit sa ulo ng mga kongresista ang pabago-bagong sinasabi ni Cassy Ong sa nasabing pagdinig. Sa bahagi ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores ay inusisa nito ang naging papel ni Cassy Ong sa Whirlwind at Lucky South na kalauna’y dati rin pala itong major stakeholder ng Lucky South na patuloy pa rin nitong ikinakaila. Lalo lamang syang nababaon sa kaniyang pagsisinungaling at bumibigat pang lalo ang kasong kaniyang kakaharapin.

Nagbabala naman si Laguna Rep. Dan Fernandez na ang pagbawi ni Cassy Ong sa noo’y pagpayag na niyang paglagda sa waiver para sa bank secrecy law ay magpapabagal sa imbestigasyon. Dagdag pa ng kogresista na lalo lamang pagdududahan si Cassy Ong kung saan nanggaling ang perang kaniyang ipinangpondo sa pagpapatayo ng kanyang mga negosyo.

Sino nga naman ang maniniwala na wala syang kinalaman o kaalaman sa POGO operations gayong major stakeholder sya ng isang korporasyon na sya na ring incorporator. At sino-sino naman kaya ang mga pinangangalingan nito dahil nasabi niyang ayaw raw niyang maipit sa nag-uumpugang malalaking bato na siyempre ay mas lalo siyang uuriratin kung sino yaong malalaking bato o malalaking personalidad.

Kung isang fun game lamang ito sa pananaw ni Cassy Ong ay mas dapat maging maabilidad o mataktika ang mga kongresista natin sa kung paano nila makuha ang tiwala at hindi mapaikot ng isang 24-anyos na dropout diumano upang tuluyang makipagkooperasyon ito hanggang sa maipataw ang totoong hustisya. At dapat ay matiyak ang mahigpit na seguridad sa mga resource person dahil sila ang mga makapagtuturo kung sino-sino ang nasa likod ng POGO operations at kung sila’y mawawala ay mamamayagpag lalo ang mga astig na personalidad sa ating lipunan.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph