
Maraming nagpapaupa ng tirahan ang nakinabang sa pag-usbong ng industriya ng Pogo o mga pasugalan sa Internet na pinatatakbo ng mga dayuhang trabahador. Maraming Intsik at Vietnamese ang itinira ng kanilang mga amo sa mga condominium at mga bahay sa mga subdivision sa Metro Manila.
Tiba-tiba ang mga may-ari ng mga naglalakhihang bahay sa mga subdivision na tinirahan ng mga mayayaman dahil pinakyaw ng mga amo ng mga Pogo workers ang kanilang pinauupa upang magsilbing barracks.
Subalit hindi naging magandang kapitbahay ang mga dayuhan sa mga subdivision dahil sa kanilang dami, kaburaraan at krimen. Nagreklamo ang mga orihinal na residente ng mga subdivision sa mga basurang kinalat nila sa kalye at sinisi sa kanila ang panakanakang pagkaputol o pagbagal ng signal ng Internet at pagkasira ng mga transformer sa poste.
Maingay rin ang mga dayuhang kapitbahay sa gabi at nakasindi ang mga ilaw ng kanilang inuupahang bahay kaya nakakasilaw sa oras ng tulugan. Labas-pasok rin ang mga kotse sa kanilang mga bahay.
May mga naiuulat na magugulo o nag-aaway, may nasasangkot sa kidnapping at iba pang kaguluhan.
Laking ginhawa nang ipag-utos ni Pangulong Marcos na ipagbawal ang mga Pogo dahil nagsialisan ang mga dayuhang kapitbahay.
Dahil wala na ang mga burara at maiingay na Intsik at Vietnamese, naging tahimik muli ang subdivision ng mga mayayaman at guminhawa ang pakiramdam ng mga naninirahan roon.
Ang hindi lang siguro masaya ay ang mga may-ari ng bahay na nawalan ng uupa at kita. Bakante na ang kanilang mga pinauupang bahay bagaman may uupa pa naman siguro sa mga ito na hindi kasing burara at kasing gulo ng mga nanirahang Pogo workers.
Kung walang idinulot na perwisyo ang mga dayuhang nangungupahan sa mga mararangyang subdivision, marahil ay hindi naman sila aayawan ng mga kapitbahay roon at hindi sila ipagbabawal ni Marcos. Ang kaso, di maganda ang karanasan sa mga bahay Pogo.