
Cut! cut!
Yan ang bukambibig ng direktor sa shooting ng mga eksena sa pelikula. Subalit sa mga nagsusulputang rebelasyon ng mga biktima umano ng panghahalay ng mga shoke sa industriya ng showbiz, tila sangkaterbang sigaw ng “cut” ang kailangang ibulalas ng mga direktor dahil isa sa kanila ay ikinanta na ng dating baguhan at batang artista na umanoy sumamantala sa kanya dati kapalit ang kasikatan.
Idinawit ng nagreklamong lalaking artista ang kilalang direktor kasunod ng pagsasampa ng isang baguhang artista ng kasong panggagahasa laban sa dalawang kontraktor ng TV network. Nagreklamo ang binatang anak ng dating child star na siya’y minolestiya umano ng dalawang bakla sa kanilang condo. Kumalat na ang iskandalo matapos isiwalat ng biktima ang pangyayari sa Senado na nagsisiyasat sa exposey.
May mga maglalakas-loob pa kayang magsusumbong ng pambababoy sa kanila ng mga mapagsamantalang tagapagpasikat kuno ng mga baguhan sa showbiz? Kung magsusulputan ang maraming reklamo na ikadadawit ng iba pang mga direktor, sangkaterbang “cut” ang kakailanganin nilang isigaw upang matigil ang mga akusasyon at hindi masira ang kanilang imahe.
Kung hindi at lalaki ang iskandalo, kakailanganin nila ng magaling na abogadong magtatanggol sa kanila o perang pambayad ng danyos upang iwasan ang parusang kulong sa krimen na kanilang nagawa.
Nangyari na sa Estados Unidos ang pagsasampa ng kasong rape sa isang makapangyarihang producer ng Hollywood na umabuso o nambugaw sa mga babaeng artista noong sila ay bago pa lamang sa industriya. Mismong mga biktima niya na lumantad ang nagbigay ng mga pasabog. Hindi malayong mangyari rin ito sa Pilipinas dahil sa nagsulputang parehong reklamo.
Hindi maikakaila na tumatahimik lamang ang mga may-alam at saksi sa mga abusing ginagawa ng mga may koneksyon sa mga nasa matataas na poder sa industriya ng showbiz sa mga baguhang artistang nais sumikat at magkaroon ng proyekto. Subalit nabasag na ang katahimikan at maglalaban sa korte ang mga nagreklamo at akusado. Kung sino ang mananaig, iyan ang susunod na kabanatang aabangan ng mga tagahanga ng mga artistang biktima at tagasuporta ng mga TV network na gumagawa ng teleserye at pelikula.