
Ang mga miyembro ng sindikatong Yakuza na bumibiyahe sa Pilipinas ay hindi basta-basta mahahalata, liban kung sila’y wanted sa Hapon dahil sa krimen at naalerto ang kapulisan maging ang Interpol ng kanilang pagdating.
Isang palatandaan na kasapi ng Yakuza gang ang isang Hapones ay ang putol nilang hinliliit o magarbong tato sa katawan. Ngayon, dahil usong-uso na ang pagpapatato, hindi na basta-basta mahahalata ang mga Yakuza kahit makita ang tato niya. Marami na kasi ang may mga tato at pangkaraniwan na ito.
Datirati rin, ang mga preso ang mga may tato kaya alam agad kung sino ang nanggaling sa piitan. Ngayon naman, mahirap malalaman kung sino ang mga ex-convict dahil pati pangkaraniwang mamamayan na hindi naman nakulong ay may tato.
Bagaman isang hanapbuhay ang pagtatato at kalayaan sa ekspresyon ang pagpapatato, hindi pa ito lubos na katanggap-tanggap sa lipunan. Bukod kasi sa maaaring banta ang mga may tatong dating kriminal at hindi pa nagbabago kahit laya na, maaaring may nakuha silang impeksyon mula sa hindi malinis na paraan ng pagtatato. Halimbawa ay ang HIV na nagdudulot ng AIDS, na nakukuha mula sa pagtuturok ng hypodermic needle na ginamit na sa iba at hindi sterilisado.
Sa panig ng kapulisan, hindi kanais-nais ang mga tato na pang-extremism, may diskriminasyon sa lahi o pananampalataya at malalaswa, racist, sexist at masagwa. Kaya naman ipinagbabawal ng pulisya ang mga halata o nakikitang tato sa katawan ng mga nais maging pulis o aplikante sa pagkapulis.
Sa mga regular na pulis naman na may kitang tato sa katawan, kailangan nila burahin ito sa loob ng tatlong buwan ang mga halatang marka sa gastos nila. Ang hindi makakasunod sa patakaran ay iimbestigahan.
Sa mga makakasunod naman at mapabura nila ang masasagwang tato, ang tanong ay mawawala rin ba ang kanilang paniniwalang may kaugnayan sa kanilang tato? Kung mabubura rin ito, walang magiging problema. Ngunit kung mananatili ang kanilang paniniwalang masagwa tulad ng kanilang tato o binurang tato, magkakaroon pa rin ng problema.
Sa mga may tato naman na hindi kita ngunit masagwa, hindi ba ito magdudulot ng double standard sa hanay ng kapulisan dahil ang mga may parehong tato na kita ay maaaring matanggal sa serbisyo samantalang ang mga may parehong tato na hindi kita ay hindi matatanggal sa trabaho.
Kung marami namang pulis ang may halata o kitang masagwang tato sa katawan, ang pagtanggal sa kanila ay maaaring magbunga ng kakulangan ng pulis.