SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Demolisyon

Demolisyon
Published on: 

Matapos ang masigasig na trabaho para sa rehistrasyon ng mga bagong botante, biglang bumaliktad ang mundo ng mga opisyal ng komisyon ng halalan. Sila at mga dating pinuno ng Comelec ay tila sinisiraan o nais papanagutin sa umanoy anomalya sa bilangan ng boto sa mga nakalipas na halalan.

Ang dating Comelec chairman, si Andres Bautista, na siyang pinuno ng ahensya sa halalan noong 2016, ay naiulat na sangkot umano sa pagtanggap ng isang milyong dolyar na suhol sa Smartmatic, ang kumpanyang nag-supply ng makinang nagbibilang ng mga balota o vote-counting machines (VCM) para sa nasabing eleksyon. Ang halaga ay diumanoy binigay sa kanya ng tatlong opisyal ng Smartmatic o tinanggap niya sa kanila mula 2015 hanggang 2018.

Inakusahan rin ng Department of Justice ng Estados Unidos si Bautista at tatlong taga-Smartmatic ng money laundering. Sinabi ni Bautista na lalabanan niya sa korte ang mga akusasyon.

Samantala, nagsampa naman ang isang dating kongresista ng kasong korapsyon laban sa kasalukuyang chairman ng Comelec, si George Garcia, at pitong iba pang opisyal ng ahensya dahil sa umanoy pagpabor nila sa isang kumpanya ng South Korea sa bidding ng kontrata para sa pag-supply ng bagong VCM na gagamitin sa pagbilang ng mga balota at boto sa halalan sa 2025.

Inihain ni Edgar Erice, dating mambabatas na kumakatawan sa Caloocan City, ang kaso sa opisina ng ombudsman. Inakusahan niya sina Garcia ng paglabag sa Republic Act 3019 o batas laban sa korapsyon dahil nagkuntsabahan umano ang mga opisyal upang mapunta ang kontrata sa Miru Systems kahit pa may kontrata ang Comelec sa Smartmatic para ayusin ang mga VCM na dineklara ng ahensya na sira at hindi na magagamit. May warranty pa sa 98,000 VCM na sinasabing sira, ayon kay Erice.

Matagal-tagal pa marahil bago magkaroon ng kalinawan at resulta ang mga kaso laban kay Bautista at Garcia. Ngunit ang mga kaso ay di maiwasang magbigay ng duda sa tapat na bilangan ng boto noong halalang 2016 at sa mid-term election sa susunod na taon. Nagbibigay rin ito ng kutob na may nangyaring dayaan sa dating eleksyon at maaaring maulit ito sa hinaharap na halalan.

Dapat maagang maalis ang anumang duda upang ang botohan ay talagang malinis at totoong kagustuhan ng mga botante.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph