SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Dalawa kinasuhan ng pagpatay sa beauty queen, Israeli

Dalawa kinasuhan ng pagpatay
sa beauty queen, Israeli
Photo Courtesy of DILG Philippines
Published on

Nagsampa ng kasong murder ang Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP CIDG) laban sa limang pinaghihinalaang pumaslang sa isang kandidata ng Mutya ng Pilipinas at kasintahan niyang taga-Israel.

Si Police Colonel Thomas Valmonte, hepe ng legal division ng CIDG, ang nagsampa ng dalawang bilang ng murder sa Department of Justice (DOJ) kahapon.

Aniya, hindi bababa sa limang tao ang nahaharap sa reklamo sa pagpatay kina Geneva Lopez at Yitzhak Cohen. Hindi pinangalanan ng opisyal ng CIDG ang mga hinihinalang salarin.

“Actually, nag-meeting sila that’s why there’s an allegation of conspiracy. Nagkaroon sila ng pagpupulong at pinlano ang aktuwal na pagpatay sa dalawa. Mayroong hindi bababa sa dalawang respondent na bumaril sa mga biktima, pagkatapos ay may isa pang nag-dispose ng mga bangkay. Isinama din namin sa reklamo ang ibang tao na nakibahagi sa pagpaplano,” ani Valmonte.

Sinabi ni Joni Lopez, kapatid ni Geneva, na nais nilang makamit ang hustisya.

“Gusto namin na lahat ng sangkot sa krimen na ito ay managot,” sabi ni Lopez.

Ang pagpatay ay hindi mapipyansahan. Kung mapatunayang nagkasala, ang isang tao ay maaaring maharap sa habambuhay na pagkakabilanggo o pagkakulong ng 20 taon at isang araw hanggang 40 taon.

Nanindigan si Valmonte na ang motibo sa likod ng krimen ay alitan sa lupa.

Batay aniya sa kanilang pagsisiyasat, ipinasangla umano ng mga suspects ang lupa sa mga biktima at pagkatapos ay hinahangad nilang maibalik ito ngunit sinabi ni Valmonte na hindi nagkasundo sina Lopez at ang kanyang nobyo at mga suspects.

Si Lopez, ang kandidato ng Pampanga sa Mutya ng Pilipinas 2023, at si Cohen ay nawawala matapos magtungo sa Tarlac para sa isang transaksyon sa lupa noong Hunyo 21.

Makalipas ang isang araw, inimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang isang inabandona at nasunog na sasakyan sa Barangay Cristo Rey sa bayan ng Capas.

Kinumpirma ng pamilya ni Lopez na ang mga nakuhang gamit sa sasakyan ay mula sa nawawalang kamag-anak.

Natagpuan ang labi ng dalawa sa quarry site sa Barangay Santa Lucia sa Capas.

Nabatid sa autopsy na binaril ang dalawa.

Iniharap ni Interior chief Benhur Abalos noong Hulyo 8 ang mga dating pulis na sina Michael Guiang at Rommel Abuzo, at sibilyan na si Jeffrey Santos bilang mga suspects.

Sinabi ni Abalos na sumuko na ang dalawa pang suspects na sina “Dondon” at “Junjun.” (Mula sa ulat ni Alvin Murcia ng Daily Tribune)

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph