
Kung ang Pilipinas ay may “people power” na nagpatalsik sa isang pangulo, mayroon din ang Bangladesh na sarili nilang bersyon. Mayroon silang “students power.”
Sa pagprotesta ng libu-libong estudyante sa Dhaka nitong mga nakaraang linggo, humantong ito sa pagpatalsik sa punong ministro nilang si Sheikh Hasina, ang anak na babae ng tinuturing na nagtatag sa bansa nang ito’y humiwalay sa India noong 1971.
Pinatunayan ng mga nagkakaisang mga estudyante ang kanilang kapangyarihan. Unang nagprotesta sila sa patakaran ng pamahalaan na ibigay ang 30 porsyento ng mga trabaho sa gobyerno sa mga kaanak ng mga lumaban para sa kasarinlan ng bansa sa India. Sa kanila, ito’y diskriminasyon, hindi makatarungan at abuso sa kapangyarihan dahil nagsisilbi itong panuhol upang suportahan at panatilihin ang mga namumuno.
Ginamitan ni Hasina ng dahas ang mga estudyante na ikinamatay ng mga 400 kaya nagbago ang hangad nila, ang patalsikin sa puwesto ang punong ministro. Nilabanan nila ang mga pulis na gumamit ng dahas laban sa kanila.
Habang nagkakagulo at inaaresto ang mga lider ng mga estudyante at hiniling nila sa korte suprema na ipawalang-bisa ang kontrobersyal na patakarang “quota system” na kinatigan naman ng mga hurado. Ito ang nagbigay ng panibagong lakas sa mga ralista na ituloy ang pakikibaka na ang bagong puntirya naman ay si Hasina.
Tuloy ang protesta at labanan ng mga ralista at pulis sa mga kalye ng Dhaka hanggang sa manaig ang mga estuduyante sa mga nag-alisang pulis. Nilusob nila ang palasyong tinitirhan ni Hasina. Sa mga oras na iyon, tumiwalag ang militar sa kanya at pinababa siya sa pwesto. Lumikas si Hasina at lumipad patungong India para sa kanyang kaligtasan.
Ginarutay at sinira ng mga galit na galit estudyante ang palasyo. Hiniling nilang maging pinuno ang Nobel prize winner na si Muhammad Yunus na pumayag naman.
Ang lahat ng mga pangyayari sa Bangladesh at ang mabilis na pagbago sa pamunuan at abusadong patakaran tulad ng quota system ay dahil sa mga estudyante. Winakasan nila ang quota system, pinatalsik ang diktador at nagluklok ng bagong pinunong aayos sa bansa at kikilos para sa kanilang kapakanan.
Sa Pilipinas, marami rin ang estudyante. Kaya rin nilang gawin ang ginawa ng mga estudyante sa Bangladesh. Magsilbi sana itong paalala sa mga abusado sa pamahalaan.