
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes na mas paiigtingin pa nito ang paghahanda at paghahanap kay Kingdom of Jesus Christ (KJOC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, pinag-iisipang mabuti ng kapulisan kung ano ang magiging approach ngayon lalo pa’t may mga nakapalibot at nakabantay na mga inosenteng taga sunod ni Quiboloy sa KOJC compound na hinihinalang hideout ng pastor.
Dagdag niya, maaari pa ring abutin ng ilang araw para tuloyang masuri ang mga building sa loob ng 30,000 ektaryang compound na aniya’y isa sa mga kinakaharap nilang hamon.
Nais ng PNP na iparating sa mga taga suporta ng pastor na hindi nila intensyon ang manakit o palawakin pa ang problema kaya naman tuloy-tuloy ang kanilang apela kay Quiboloy at apat pang akusado na respetuhin ang proseso.
Iginiit rin ni Fajardo na hindi umano ang PNP ang naglabas ng warrant of arrest kundi ang National Bureau of Investigation (NBI) at iniimplementa lamang nila ito.
Kasunod nito, tiniyak ni Fajardo na ikinokonsidera nila ang nangyari noong June 10 kung saan nagsilbi sila ng warrant of arrest kay Quiboloy sa mismong KOJC Compound na nagresulta naman sa kaguluhan sa pagitan ng pulisya at ng mga taga suporta ng pastor.
Ayon kay Fajardo, hindi ito laban ng PNP at ng mga ahensya ng gobyerno sa KOJC. Ito ay isang implementasyon lamang ng legal order na inisyu ng korte sa isang partikular na tao at hindi sa kanilang organisasyon.
Hinggil naman sa nauna nang iniulat ni PBGen Nicolas Torre III na ang compound ay may underground, hangar, at lagusan papuntang Davao Airport, ayon kay Fajardo, noon pa man ay hindi na ito sekreto at kabilang din ito sa mga ikinokonsidera nila.
Samantala, siniguro naman ng PNP na may mga checkpoints malapit sa lugar para mabantayan ang galaw ng pastor at mapanatili na rin ang kaligtasan ng publiko.
Sa kaugnay na balita, nilinaw ng Department of Justice (DoJ) na hindi sila gumagamit ng excessive force laban sa pastor.
Ayon kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano, hindi gumagamit ng malaking pwersa ang mga otoridad para mahuli ito.
Ginawa ni Clavano ang naturang pahayag matapos almahan ng mga KOJC member at supporters ng religious leader ang marahas umanong pagpasok ng PNP sa kanilang compound. Punto pa ng opisyal na normal ang pagpapadala ng mga tauhan ng PNP at NBI sa KOJC.
Ito ay bahagi lamang aniya ng pagpapatupad ng kaayusan sa naturang lugar.
Nilalalayon lamang ng gobyerno na mahuli ang pastor at maiharap sa korte para sa mga kasong kanyang kinakaharap.