
Walang duda, kapakipakinabang ang teknolohiya dahil sa pinadadali nito ang pamumuhay. Ngunit may pagkakataon na hindi nagiging kanais-nais ito kaya kinokontra ng pamahalaan. At ang pinupuntirya ngayon ng gobyerno ay ang cellphone at modernong kuliglig o light electric vehicle.
Bawal dumaan sa mga pangunahing kalsada ang mga tricycle para sa kaligtasan. At dahil bawal ang ganitong sasakyan sa mga lansangan na para sa mga bus, jeepney, kotse, trak at iba pang malalaking sasakyan na may apat at mahigit na bilang ng gulong, bawal rin ang mga mas magagaang na LEV na dumaan rito.
Ngunit pinalalawig ng pamahalaan ang pagbabawal sa paggamit ng mga LEV sa mga piling daanan. Senyales nito ang utos ng Land Transportation Office sa mga may-ari ng LEV na iparehistro ang kanilang mga de-kuryenteng kuliglig upang sakaling gamitin ito sa bawal na daan ay matitiketan at mamumultahan.
Sa Metro Manila pa lamang ay sandamakmak na LEV na ang makikitang dumaraan sa mga mas makikitid na lansangan. Nakikipagkompetensya ang mga ito sa mga motorsiklo at tricycle sa paggamit ng masikip nang espasyo na nagiging sanhi naman ng mabagal na daloy ng trapiko. Kaya nakakaperwisyo ito sa mga naaabala.
Sa dami rin ng mga LEV na pampasada sa may Baclaran, siyudad ng ParaƱaque at sa siyudad ng Pasay, wala nang madaanan ang mga jeepney at mga tao dahil nakabalandra ang mga ito habang naghihintay ng pasahero. Batid ng mga opisyal ang kaguluhan at perwisyong dala ng mga LEV kaya ang mga ito ay isasailalim sa regulasyon.
Samantala, balak ring ipagbawal ang pagdadala at paggamit ng cellphone sa loob ng klase. Bagaman totoo naman na nakagagambala ang pagbutingting o paglalaro ng mga estudyante sa kani-kanilang cellphone tuwing klase, nagagamit naman ito sa pag-aaral tulad nang nangyari noong panahon ng pandemya kung kailan itinigil ang face-to-face na pagtuturo at sa mobile phone na lamang tinuruan ng mga guro ang mga estudyante upang hindi madapuan ng virus.
Ginagamit rin ng mga guro ang cellphone sa pagtuturo na ginagamitan ng mobile app kung TV ang nagsisilbi nilang blackboard.
At kung ipagbabawal ang paggamit ng cellphone sa klase, hindi ba ito magiging taliwas sa isinusulong ng pamahalaan na free Internet sa mga paaralan dahil hindi mapapakinabangan ang libreng Wi-Fi kung wala namang cellphone na kukunekta rito.
Kung gayon, dapat bang ipagbawal ang paggamit ng estudyante ng cellphone sa klase at paggamit ng LEV sa paglalakbay ng mga mamamayan?