Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Linggo na may isa pang pang barko na lumubog sa Barangay, Cabcaben sa Bataan at tatlong 44-meter na barko ng Coast Guard ang lumayag sa lugar para kumpirmahin ito.
Linggo ng umaga nang magsagawa ng initial underwater assessment ang Coastguard divers at natukoy ang pagkakakilanlan ng barko bilang – MTKR Jason Bradley.
Ayon sa PCG, patuloy ang kanilang diving operations para malaman ang kondisyon ng lumubog na barko.
Samantala, mariing namang itinanggi ng National Task Force West Philippine Sea ang pahayag ng Chinese Foreign Minister na sumakay ang mga tauhan ng China Coast Guard at ininspeksyon ang barko ng Pilipinas na nagsagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal.
Sa pahayag ng National task Force West Philippine Sea (WPS) kailanman hindi hihingi ng pahintulot ang Pilipinas sa China lalo na sa pagsasagawa ng resupply missions sa Ayungin Shoal.
Batay sa ulat, kitang kita ang presensiya ng mga barko ng China kabilang ang apat na Chinese Coast Guard at tatlong Peoples Liberation Army-Navy vessels at dalawang barko ng Chinese Maritime Militia vessels.
Habang ginaganap ang RORE mission napanatili ng mga Chinese vessels ang kanilang distansiya dahilan na naging matagumpay ang rotation and resupply mission.
Wala umanong katotohanan na sumakay sa barko ng Pilipinas ang mga Chinese Coast Guard personnel batay sa naging pahayag ng Chinese Foreign Ministry.
Ang Ayungin Shoal ay isang low tide elevation at hindi subject sa sovereignty claims ng China batay sa 2016 ruling ng Arbitral Tribunal dahil nakapaloob ito sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ibig sabihin ang presensiya ng Pilipinas sa nasabing lugar ay legal na naaayon sa international law lalo na sa UNCLOS.
Siniguro naman ng pamahalaan na ipagpatuloy nito na igiit ang maritime rights ng bansa.
Ang AFP ang nanguna sa nasabing misyon sa pakikipag tulungan ng Philippine Coast Guard (PCG) na siyang nag escort sa civilian vessel ang MV Lapu-Lapu na kinontrata para magdala ng mga supply.
Pumayag ang Pilipinas sa isang “provisional understanding” sa Peoples Republic of China hinggil sa resupply missions na layong bawasan ang tensiyon at maiwasan ang anumang hindi pagkaka-unawaan at miscalculations.