
Walang takot ang gumawa, naglabas at nagpakalat ng mapanirang video na ipinapakita umano ang pangulo na sumisinghot ng cocaine sa araw na kanyang talumpati ng kanyang State of the Nation Address nitong Lunes. Kampante sila na hindi sila makikilala, mabibisto at mahahabol ng mga kinauukulan.
Ngunit mayaman sa kakayahan ang opisina ng presidente at natukoy na umano sa tulong ng mga forensic expert ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police ang mga nasa likod ng iskandalosong video. Sa pagsusuri ng mga eksperto sa NBI at Anti-Cybercrime Group ng PNP, hindi lamang nila napatunayan na peke ang video at kamukha lamang ng pangulo ang ipinakikitang lalaki na sumisinghot ng cocaine. Nalaman rin nila ang mga gumawa ng video na ginamitan ng artificial intelligence upang magmukhang kapanipaniwala at kamukha ng pangulo ang lalaki na nasa video na pinamagatang polvoron.
Nangangalap na ng mga ebidensya ang kapulisan laban sa mga pinaghihinalaang gumawa ng video. Susunod dito ang pagsasampa ng kaso.
Dahil sa pinagsama-samang kakayahan ng NBI at PNP, mapapanagot ng pangulo ang mga naninira sa kanya. Hindi naman ito kataka-taka dahil sa kapangyarihan niya. Ang tanong ay kung ordinaryong tao ang nabiktima ng mga namemeke o nagpapanggap, matutulungan rin ba sila ng mga pulis na malaman at mahuli ang salarin, pati na ang pagsasampa ng kaso sa kanila kahit sila’y walang kakayahang magbayad ng mga eksperto at abogado?
Sa pagiging uso at available ng teknolohiyang AI, inaasahan na magiging talamak ang pangongopya ng tao upang mapagkakitaan ng mga nananamantala o sindikato. Halimbawa ay ang mga walang kamuwang-muwang na menor de edad na gagawan ng malalaswang pelikula at ibebenta sa mga gumagamit ng social media. Matutulungan ba ng gobyerno ang mga ganitong biktima?
Dapat ihanda na ng gobyerno at kapulisan sa pagtugon sa ganitong modus katulad ng ginawa nila sa pagtukoy ng mga may kagagawan ng polvoron video.