Tungangang katuwang
Hindi mga bala at bomba ng mga Intsik ang papatay sa mga sundalong nagbabantay sa Ayungin Shoal kundi gutom. Haharangin ng mga mananakop ang mga bangkang nagdadala ng pagkain at tubig sa mga marinong nasa nakasadsad na BRP Sierra Madre.
Habang umiiral ang banta sa mga sundalong Pilpino dahil hindi mapadala ang kailangan nilang pagkain at tubig sa patuloy na pangghaharang ng mga barko ng Chinese Coast Guard sa mga bangkang nagdadala ng supply sa kanila, nagmamatyag lang ang mga Amerikano sa malayo at tila pinapabayaan ang kaalyadong Pinoy na mag-isang harapin ang mga Intsik sa West Philippine Sea.
“We will do what is necessary,” ang matalinhagang pahayag ng Estados Unidos nang tanungin kung ano ang maitutulong sa balakid sa Philippine Coast Guard.
Inamin ni White House National Security Adviser Jake Sullivan niyong Biyernes na mas nanaising ng Washington na mag-isang gawin ng Pilipinas ang resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Ano ang silbi ng Estados Unidos ngayon? Inutil na ba ang Mutual Defense Treaty at palamuti lamang sa relasyon ng Maynila at Washington ang Enhanced Defense Cooperation Agreement?
Tugma naman ang pahayag ng Pilipinas sa posisyon ng Amerika upang hindi magkaroon ng kalituhan ang dalawang bansa.
Mananatiling operasyon ng Pilipinas ang resupply mission, ayon sa tagapagsalita ng National Security Council, si assistant director general Jonathan Malaya.
Sa nangyayaring alinlangan ng Estados Unidos sa pagtulong sa Pilipinas, nagbubunyi naman ang Tsina. Ang pamumunuan sa Beijing ay humahalakhak sa isyung agawan sa Spratly dahil naduwag ang inaasahang kakampi ng Pilipinas.
Tama nga ang sinabi ng lider ng Taiwan na hindi dapat umasa sa Estados Unidos pagdating sa depensa ng isla sa inaasahang paglusob ng Tsina. Kailangang magsariling sikap.
Kung ganyan rin lamang ang silbi ng Amerika, wala rin palang pakinabang sa MDT at EDCA. Sa walang pagkukusa ng Estados Unidos na tulungan ang Pilipinas sa panghaharang ng Tsina sa Ayungin Shoal, mukhang kailangang ibasura na ang MDT at EDCA.