
Ilang mamamayan ay may nalamang bagong paraan ng pagkakakitaan. Marahil dala ng matinding pangangailangan at kahirapan, sila’y pumayag tanggapin ang alok sa kanila na P200,000 kapalit ng kanilang bato.
Nangyayari ang bentahan ng bato sa may Bulacan. Nakumbinse man ng tatlong namimili ng bato ang mga kliyente na ipagpalit ang bahagi ng kanilang katawan gayong delikado ito ay masasabing panlilinlang.
Isinasagawa ang ilegal na operasyon sa isang bahay sa Barangay Tungkong Mangga, sa siyudad ng San Jose del Monte, batay sa pagsugod sa lugar ng mga alagad ng National Bureau of Investigation nitong Hulyo 11. Nahuli ang hinihinalang mga operator ng nasabing ilegal na kalakalan ng bato.
Sa nasabing raid, nailigtas rin ang ilang biktima na naoperahan at natanggalan ng bato.
Hindi madidiskubre ang sindikato kung hindi nagreklamo ang isang nagbenta ng bato. Sa halip na tumataginting na P200,000 ang ibinigay sa kanya ay P2,000 lamang.
Magsilbi sanang babala sa mga nagbabalak magbenta ng kanilang bato ang mga nakakagimbal na lahad ng mga biktima ng nasabing sindikato. Walang kasiguraduhan na sila’y mababayaran. Ang sigurado ay mababawasan sila ng bato, na mapupunta sa ibang tao na wala nang bato o sira na ang bato at dapat palitan.
Ang sigurado ay maibebenta ng mga bumili ng bato ang lamang-loob sa halagang mas mataas pa sa P200,000 dahil binibili ito ng mga pasyenteng desperadong mapalitan ang kanilang bulok na bato upang mabuhay. Lalo na ang mga mayayamang pasyente na hindi na isasaalang-alang ang kapakanan ng pinagkunan ng bato. Ang iniisip na lamang nila ay ang sariling kaligtasan sa kamatayan, at bahala na ang taong pinanggalingan ng bato kung siya ay mabudol.
May kasabihan na pera na, naging bato pa. Sa mga nagbebenta ng kanilang sariling bato, naririyan ang peligrong maging bato ang perang pinangako sa kanilang kabayaran ng kanilang bato.