
Dalawang hacker ang nasakote ng mga otoridad sa isang isinagawang entrapment operation sa Tagaytay City nitong nakaraan at ayon sa mga ulat, ang mga hacker na ito ang tuma-target umano sa government websites magmula pa noong 2013.
Batay sa pulisya, narekober sa kanila ang ilang mga sensitibong datos mula sa Philippine National Police at Philippine Navy.
Kinilala ang mga suspek na sila alyas “Newbie” at “Godlike” sa isinagawang entrapment operation ng National Bureau of Investigation.
Ayon kay alyas “Newbie,” isa sa database na naipasa sa kaniya ang 300,000 miyembro ng PNP.
Nakuha rin sa mga gadget ni “Newbie” ang ilang sensitibong impormasyon ng Philippine Navy, at may mga kinalaman sa West Philippine Sea ang ilan pang datos.
Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines na nakikipag-ugnayan na sila sa NBI para maberipika ang mga detalye ng data.
Inamin ni alyas “Newbie” na kumita na umano sila ng ilang milyong piso mula sa phishing activities sa mga kliyente ng bangko, habang Wala namang pahayag si alyas “Godlike.”
“Pinadadalahan ko gamit ang email nila, kung saan kapag nag-click at nag-log-in po sila, didiretso po sa system ko po. 11 p.m. then after nu’n, ina-ano ko agad ng 12 a.m. dahil nagre-reset po ‘yung limit niya,” sabi ni Newbi.