SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Bambi Moreno palaban sa pagiging aktres

alwin ignacio
Published on

Hindi na bago sa showbiz si Bambi Moreno. Nung kabataan nito, nakasama sa isang pangmalakasang TV drama at naging miyembro, kahit panandalian sa panghapong palatuntunang sikat na sikat dati, ang “That’s Entertainment.”

Huminto si Moreno sa pag-aartista dahil sumunod sa payo ng mga magulang na tapusin ang pag-aaral. Nung natapos sa kolehiyo, pumunta ito sa Japan, naging cultural artist, at dun nagsimula ang kanyang pagpapakatotoo at pagyakap sa kanyang tunay na katauhan.

Sa aming huntuhan, kwento ni Bambi: “Pitong taon pa lang ako, alam ko na sa puso ko, sa kaibuturan na ako ay babae. Sinikil ko ang katotohanan. Naging masunuring anak sa mga magulang. Nung pinayagan akong magturista sa Japan, dun ko isinaayos talaga kung sino at ano ako.”

Hindi “nilaro” at sa mga tunay na doktor lumapit si Bambi sa bansang Hapon mailabas ang kung sino talaga siya. Habang nagtratrabaho bilang artist at cultural worker sa bansa, matindi ang ginawa niyang pagtratrabaho, sakripisyo at tiis. May kaibigan siyang transwoman na Hapon na naging gabay niya, nagpakilala sa doktor kung saan siya napapa-hormone therapy.

Nung sapat na ang ipon, pumunta siya sa Singapore at duon ginawa ang sex reassignement surgery.

Kwento ni Bambi: “Hindi naman ako basta inooperahan agaran. Dumaan pa ako sa psychiatric counseling, ipinasa ang dalawang psychological exams bago nangyari ang pagbabago. There is no turning back kasi. Kaya dapat sa puso at isip mo, sa tuwing tinatanong ako sa psych exam, tunay na babae ang pagsagot at pag-iisip.|

Chika ni Moreno, malaking halaga ang kanyang ginastos para sa kanyang pagiging ganap na babae. Wala siyang panghihinayang. Inamin niyang dalawang taon ang kanyang pinagdaanan para maging tunay na malakas, masigla at magandang-maganda.

Inamin niya na nung una, bilang panganay na anak na pulos lalaki, nabigla at may kasamang pagtataka ang kanyang pamilya sa nangyaring pagbabago. Pero siempre pa, mas umiral talaga ang kasabihang blood is thicker than water at ang katotohanan na tunay siyang mahal ng kanyang pamilya.

Ngayon, bumalik si Bambi sa Pilipinas para makipag-sapalaran sa showbiz at maging isang aktres.

“Palaban ako sa pagiging aktres, gusto ko character roles, ‘yung mga kontrabida,” pahayag ni Moreno. “Alam ko naman na marami pa akong magagandang maibibigay sa larangan ng pag-arte.”

Ang isa sa mga palatuntunan na gusto niyong makasali ay ang “FPJ’s Batang Quiapo” na pinagbibidahan ni Coco Martin.

Sabi ni Bambi: “Pinanonood ko talaga ang show at manghang-mangha ako sa kwento, sa husay ng mga artista, sa direksyon ni Coco. Alam ko walang script ang mga linyahan dun kaya alam kong napaka-challenging na mapasama sa kanila. Sigurado akong marami akong matutuhan kung mabibigyang pagkakataon.”

Aniya pa: “Isa pa sa mga dahilan kaya ko gusto sa Batang Quiapo ay dahil kay direk Joel Lamangan na talaga namang kay husay bilang si Roda. Di ba nga bagong PrimeTime Queen na ang tawag sa kanya sa X. Naging workshop director ko siya kasi noon, nung lalaki pa ako. Ewan ko lang kung maalala niya pa ako just so in case.”

Ilan pa sa mga paborito niya ay si Jodi Sta. Maria at ang tambalan nina Kim Chiu at Paulo Avelino, ang KimPau.

Matagumpay na business woman na si Bambi Moreno sa Japan. Panalong-panalo rin ang romantikong aspekto ng kanyang buhay dahil may pang-matagalan na siyang partner na isang Japanese gentleman.

Umaasa at nagdarasal si Bambi na sa kanyang pagbabalik, ang katuparan ng kanyang mga pangarap, ang maging hinahangaan at respetadong aktres, ay ibigay ng Maykapal sa kanya.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph