
Isang guro sa elementarya sa Quezon ang nagpahayag ng hinaing sa K-12 na curriculum. Ayon sa guro, mahina ang panuntunan sa pagbasa sa ikatlong antas sa ilalim ng K-12. Ngunit mas kontrobersyal ang pahayag niyang nakakatuntong umano sa antas na junior high ang mga nagtapos ng elementarya kahit pa sila’y hindi makapagbasa. Ang dahilan, ayon sa guro, ay kung matukoy ng estudyante ang tunog ng isang salita, kahit niya matutuhang bigkasin at isulat ang salita ay papayagan siya ng guro na magpatuloy sa susunod na antas. Sa sumunod na antas na umano matututunan ng estudyante ang pagbasa at pagsulat ng salitang tukoy lamang niya sa tunog.
Inamin ng guro na hindi maaaring bigyan ng guro ng bigong marka ang estudyante dahil sa sangkaterbang paliwanag na dapat nilang ihain sa opisina ng dibisyon bilang katibayan na bagsak ang estudyante. At dahil sa nangyayari, sinabi ng guro na substandard ang kalidad ng edukasyon sa bansa ngayon.
Bagaman tinutukoy ng guro ang kahinaan at kabiguan ng K-12 na pataasin ang kalidad ng basic na edukasyon sa bansa, tinutukoy rin niya ang kalakaran sa pagpapasa ng mga estudyanteng kulang sa tuto.
Ang obserbasyon ng guro sa Quezon ay sinang-ayunan naman ng isang guro sa Marinduque na nagsabing hindi nakakabasa at hindi karapata-dapat na mag-high school ang mga estudyanteng ng K-12 dahil sa pressure sa mga guro na sila’y ipasa sa kabila ng kanilang kahinaan sa pagbasa.
Dumadagdag na hamon sa mga estudyante ng K-12 na matuto ang kagutuman at distraksyon nila sa mga mobile phone, ayon naman sa isang eksperto sa sekundaryang edukasyon na naniniwalang hindi lamang K-12 ang masisisi sa maayos na pagtuto ng mga estudyante.
Kailangan nang suriin nang husto kung kapakipakinabang bang tunay ang K-12 curriculum o hindi mula nang ito’y ipatupad bilang batas noong 2012. At kung hindi ito epektibo, walang mas tamang gawin kundi ito’y ipahinto at ibalik na lamang ang dating curriculum na K-10 na walang duda namang pinagmulan ng mga magagaling na mamamayan at sadyang angkop para sa maraming magulang na hirap tustusan ang dagdag na dalawang taong pag-aaral ng kanilang mga anak.
Sa bagong kalihim ng edukasyon na ang mismo niyang ama ang nagbalangkas ng batas sa K-12, makakaasa kaya ang taumbayan ng patas na pagsusuri at pagpapasya kung dapat na itong ipahinto?