SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Patay busog

Patay busog
Published on

Masarap kumain. Lalong mas masarap ang pagkain kung kikita pa sa pagpapakabusog. Kaya naman ang mga mukbang vlogger ay sige sa lamon.

Mukbang ang tawag sa video na ipinapakita ang pagkain ng marami ng isang vlogger. Bandebandehadong ulam ang nilalantakan tulad ng pritong manok, inihaw na pusit at kung anu-ano pa. Mukhang pinatatakam ng vlogger ang mga manunood niya o mga tagasunod upang siya’y tularan o upang umani ng kita sa Reels, YouTube o TikTok. Segundang dahilan na lamang ang pagpapakabusog o pagpapapawi ng gutom.

Mahal man ang pagkain ng marami at mga masasarap na pagkain, sige lang dito ang mga mukbang vlogger dahil mababawi nila ang gastos sakaling milyong tao ang manood. Ngunit isang bagay ang hindi mababawi sa mukbang na sukdulan ang lamunan: Buhay.

Oo, nakamamatay ang pagkain ng marami. Iyan ang sinapit ni Dongz Apatan, isang mukbang vlogger. Iniwan na niya ang 400,000 niyang tagasunod matapos ma-stroke pagkakain niya ng pritong manok sa kanyang show.

Dahil sa trahedya ng katakawan, nabahal ang Department of Health at balak nitong ipagbawal ang pagpapalabas ng mga mukhang videos sa social media upang hindi tularan ng mga mamamayan. Kung ito’y makatwiran ay kailangan pang pagdebatehan dahil unang-una ay karapatan sa pamamahayag o ekspresyon at paghahanapbuhay ang pagba-vlog, mapa-mukbang man o kung ano pa.

May katwiran naman ang DOH sa gusto nitong mangyari. May basehan ang katwiran nitong peligroso sa kalusugan ang pagiging masiba.

Ayon kay Secretary Teodoro Herbosa, ang pagkain ng marami ay nagdudulot ng altapresyon o kondisyon sa puso, maging ng atake sa puso. Payong eksperto ito na hindi dapat isantabi.

Marahil, ang gawin na lamang ng mga nagmu-mukbang ay ibahagi ang dami ng pagkain na kinakain nila sa iba, lalo na iyong walang makain, sa gayon ay makatulong rin sila sa suliranin ng malnutrisyon sa bansa. Kaya imbes na magpalabas sila ng sarili ng kumakain ng isang kawali ng karne, isda, hipon, tahong, talaba, atbp., bakit hindi anyayahan ang mga gutom sa kanilang show at ipakita silang kumakain lahat upang maibsan ang gutom. Nakaligtas ka na sa kamatayan, nakapagpabusog ka pa.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph