
Kahit na hindi umubra ang lakas ng Gilas Pilipinas laban sa Georgia, nagawa pa rin ng koponan na makapasok sa semifinals ang FIBA Olympic Qualifying Tournament matapos magtapos ang laban sa 94-96 iskor.
Kailangan lamang manalo ng Gilas o kahit matalo ay dapat 18 points pababa lamang ang dapat na kalamangan ng Georgia upang makopo ng Pilipinas ng semifinals berth.
Nitong nakaraan, tinalo ng Gilas sa Group A ang koponan ng Latvia sa iskor na 89-80 nitong Huwebes madaling araw at nauna rito, tinambakan naman ng Latvia ang Georgia sa iskor na 83-55.
Sa laro nitong Huwebes ng gabi, naging mainit na agad ang mga kamay ng tropang Georgia na bumirada ng 16-0 run at mag-iwan ng 28-17 iskor sa first quarter ng laban.
Nagawa pa ng Georgia na mapalobo ng 20 puntos ang kanilang kalamangan hanggang sa maging 55-43 ang iskor sa pagtatapos ng first half pabor pa rin sa kalaban.
Patuloy na naghabol ang Gilas sa second half at nagbunga naman ang kanilang pagpupursige nang makaabante na ng isang puntos, 71-70, sa dalawang minutong nalalabi sa third period.
Sa huling 33 segundo ng laban, abante ng isa ang Georgia, 94-93, at nabigyan pa ng dalawang free throws si Goga Bitadze ng Georgia na pareho niyang naipasok, 96-93.
Bago matapos ang laro, nakadagdag ng isang puntos si Chris Newsome nang maipasok niya ang isa sa dalawang free throws para maitala ang final score na 96-94.
Sa post-game conference, ipinaliwanag ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na maaari nilang subukan na hatakin ang laban sa overtime sa iskor na 96-93 nang 14 na segundo pa ang nalalabi sa laban.
Pero nagpasya silang huwag na itong gawin.
“We had an opportunity to shoot a three in the end to try to get us into overtime and play but we just felt we didn’t want to give them an opportunity to try to extend the lead in overtime,” sabi ni Cone.
Sa naturang laban, kumamada si Justin Brownlee ng 28 points, eight rebounds, eight assists, at isang steal. Habang may may nalikom na 16 na puntos si Dwight Ramos.
Kasama ng Gilas sa semifinals sa Group A ang top team na Latvia, na makakasagupa ang Montenegro na mula sa Group B.