
Kalakaran na ang pagpili at pagtalaga ng nahalal na pangulo ng napiling tao bilang pinuno ng iba-ibang ahensya ng pamahalaan. Ang siste ay mamimili siya sa listahan ng mga aplikante o inendorso ng mga kapartido o kaalyadong pulitiko.
Sa mga nagnanais na makakuha ng ganoong trabaho na napakalaki ng buwanang sahod, gagamitin nila ang kanilang koneksyon sa gobyerno upang maitulak ang kanilang aplikasyon o resume. Ngunit hindi lahat ay papalaring mapili at mabigyan ng pwesto, na ang kapalit ay utang na loob.
Mayroon ring maloloko na makakakuha ng pwesto kapalit ng pera. Sa madaling salita, bibilhin nila ang puntiryang pwesto.
Ganoon ang modus ng isang sindikato na nagpapanggap na taga-Malacanang o kawani ng opisina ng Unang Ginang o asawa ng pangulo. Sinasamantala nila ang pagkandarapa ng mga ilang nais mamasukan sa gobyerno at nag-aalok ng pwesto kapalit ang kalahati hanggang isang milyong piso.
Naka-uniporme pa ng Presidential Security Group o nakasuot ng jacket na may logo ng opisina ng pangulo ang mga manloloko upang magmukhang kapanipaniwala at makumbinse ang mga aplikante na babawiin naman ang ginastos sa pagkuha ng mga payola o suhol sa iba.
Timbog na ang nasabing sindikato matapos magsagawa ng bitag ang mga pulis at taga-National Bureau of Investigation laban sa kanila. Isang ahenteng nagpanggap na bibili ng pwesto ang nagbayad ng P100,000 sa isa sa mga kasapi ng sindikato na nagpakilalang assistant secretary sa Presidential Management Staff na nasa ilalim ng Opisina ng Pangulo.
At nang tanggapin niya ang pera ay hinuli siya at ang kanyang kasama.
Ayon sa NBI, matagal nang ginagawa ng mga nahuli ang kanilang raket. Ang tanong ngayon, may mga nabiktima ba sila na matapang na lalantad upang magreklamo at magsampa ng kaso laban sa mga manloloko? Na aaming bumili ng pwesto sa gobyerno at nagbayad ng libu-libong piso?
Malamang wala dahil ayaw nilang malaman na sila ay bumibili ng pwesto sa gobyerno.