SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW
Ginto na, naging bato pa

Ginto na, naging bato pa

Published on

Hindi pa man nagsisimula ang ika-33 Southeast Asian Games (SEAG) sa Thailand, walong medalyang ginto na agad ang “talo” ng Pilipinas. Iyan ay dahil walong palakasan ang hindi isasama sa patimpalak ng gobyerno ng Thailand na siyang magdaraos o host ng SEAG. 

Ang katakataka, pangkaraniwang sports ang tatanggalin ng Thailand: weightlifting, wushu, jiu-jitsu at karate, mga larangan kung saan malalakas ang mga atletang Pilipino, lalaki man o babae. 

Nasa patakaran ng SEAG na ang host ang magtatakda ng mga laro at naging pasya ng mga opisyal ng palakasan ng Thailand na i-etsa pwera ang apat na nasabing sports sa 40 larong itatanghal sa palaro na magsisimula sa Disyembre 9 at gaganapin sa Bangkok, Chonburi at Songhkla. Kung bakit tatanggalin ay hindi pa naiulat ang dahilan ngunit ito’y stratehiya upang tanggalan ng pagkakataon ang mga kalabang bansa na magkamedalya sa mga larong malakas sila. At ititira nila ang mga larong kung saan naman malakas sila at hindi ang mga dayuhan upang lumaki naman ang tsansa nilang magkamedalya. 

Ikakatwiran ng host na bansa na kulang ang pondo upang isagawa ang mga piling laro, ngunit ito’y di-kapanipaniwalang dahilan dahil laging kasama ang weightlifting, wushu, jiu-jitsu at karate sa mga pandaigdigang palaro tulad ng Olympics at Asian Games. 

Bagaman umaapela ang Pilipinas na huwag tanggalin ang apat na laro sa SEAG, hindi pa batid kung magbabago ng isip ang Thailand. Sakaling sarado na ang isip ng Thailand, sayang ang mga pera, panahon at lakas na ginugol ng mga atletang Pilipino para sa pagsasanay ay masasayang. 

Panahon na upang baguhin ang ganitong patakaran ng SEAG at gawing permanente ang mga isports na kasali sa timpalak. Sa gayon, maalis rin ang duda sa host ng SEAG na minamanipula nito ang kompetisyon para sa kanilang pakinabang o bentahe. Nang sa gayon din ay hindi masasayang ang ensayo ng mga atleta. 

Hindi lang ang Pilipinas ang may atletang sasabak sana sa weightlifting, wushu, jiu-jitsu at karate. Sana ay manaig sila sa apela at makasali at makalaro ang mga atletang Pilipino sa nasabing 4 na sports. 

logo
Daily Tribune
tribune.net.ph