
Inihayag ng Armed Forces of the Philippines na dapat ituloy ng mga mangingisda ang kanilang normal na gawain sa exclusive economic zone na sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sinabi ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner na dapat ay ipagpatuloy lamang ng mga mangingisda ang kanilang normal na routine sa loob ng exclusive economic zone dahil nakaalalay sila para protektahan ang mga Pilipinong mangingisda.
Dagdag pa niya, may nakalatag na mga hakbang ang AFP para tugnan ang anti-trespassing policy ng China sa West Philippine Sea kung saan ipinapatupad na umano ng China ang nasabing polisiya.
Giit pa niya, may mga preparasyon silang ginawa kasama ang ibat-ibang concerned agencies gaya ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at iba pang mga ahensiya upang tapatan ang detention policy ng Beijing sa pinag-aagawang teritoryo.
Inaangkin kasi ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang 10-dash line.
Aminado si Brawner na sila ay nababahala hinggil sa nasabing usapin subalit kaniyang binigyang-diin na hindi tayo dapat matakot dahil ang nasabing lugar ay bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ibig sabihin walang jurisdiction dito ang China.
Dagdag pa ni Brawner, nagsanib pwersa ang mga nasa uniformed sector kasama ang mga mangingisda para tugunan ang nasabing problema.
Samantala, inihayag ni Brawner na hindi magpapatinag ang AFP sa polisiya ng China, kaya patuloy ang kanilang maritime patrol sa lugar.
Sinabi ni Brawner patuloy ang kanilang resupply mission at rotation of troops sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay Brawner maraming paraan para maihatid ang mga supply sa mga sundalo na naka station sa BRP Sierra Madre.
Gayunpaman tumanggi si Brawner banggitin ang mga detalye ukol dito.
Siniguro ng AFP leader na hindi sila titigil sa pagsagawa ng resupply mission at pag rotate sa kanilang mga tauhan sa lahat ng mga features na inoccupy ng Pilipinas sa West Phil Sea.
Sa ibang balita, kabilang ang Pilipinas sa 90 na bansa ang lumahok sa Ukraine peace summit na ginanap sa Buergenstock, Switzerland.
Nagsama-sama ang mga lider ng ibat ibang bansa upang magkaroon ng consensus hinggil sa peace proposal ng Ukraine.
Si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. ang kumatawan kay Pangulong Ferdinand Marcos sa isinagawang peace summit. Hindi dumalo sa nasabing event ang China.
Nakatuon ang usapin ng peace summit sa isyu hinggil sa giyera maging sa pagkain at nuclear security.