SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Barangay kikil

Barangay kikil
Published on: 

Kailangan pa ba talaga ng mga opisyal sa mga barangay matapos ang ginawang pangingikil ng isa sa kanila sa isang benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development? Hindi lang iskandalo ang pagkuha ng nasabing opisyal sa P8,500 sa P10,000 ayuda ng DSWD sa buntis na babae. Sukdulang pagnanakaw, pang-aapi at pangingikil ang ginawa niya. Kaya naman tama lamang ang pasya ng pinuno ng DSWD na kasuhan siya.

Tama rin ang ginawa ng biktima na magreklamo at lumantad sa kangyang sinapit. Lumalabas na hindi lamang siya ang ninakawan ng nasabing opisyal kundi ang gobyerno. Perang bayan ang kanyang kinuha kung tutuusin. Pera ng mga nagbabayad ng buwis.

Ang kwestiyon ngayon ay naibalik ba ang kinuhang pera na tulong sa single mother?

Isa ring kwestiyon ay siya lang ba ang naging biktima ng ganitong pangingikil?

Noong kasagsagan ng pandemya sa Covid-19, dumagsa ang mga ayuda para sa mga mamamayan. May mga nagreklamo ring mga tumanggap ng ayuda na binawasan rin ng mga opisyal ng barangay ang kanilang mga ayuda. Walang mga reklamo ang nangyari. Dahil ba sa inilista ng mga barangay official ang mga hindi naman karapat-dapat na tumanggap ng ayuda kapalit ng paghahati nila ng perang ayuda? Kung ganoon ang nangyari, wala talagang magrereklamo dahil sangkot rin ang mga kinuhaan ng pera sa anomalya.

Marahil hindi nag-iisa ang kaso ng nasabing misis na binawasan ng P8,500 ang kanyang ayudang P10,000 na ibinigay ng DSWD. Wala marahil ang nais magreklamo o magsumbong dahil sa takot na balikan sila ng opisyal ng barangay at hindi na isama sa listahan ng mga 4P na makatatanggap ng ayuda mula sa DSWD. Palalagpasin na lamang nila ang pagkaltas sa kanilang ayuda nang sa gayon ay patuloy silang maisama sa listahan ng mga 4P.

Kung ganito ang nangyayaring abuso sa mga benepisyaryo ng 4P, mukhang hindi na dapat mga opisyal ng barangay ang karapat-dapat na maglista ng mga dapat mabigyan ng ayuda kundi ang mga kawani ng DSWD. Hindi na dapat isalalay ng DSWD ang listahan ng mga 4P sa mga barangay official kundi sila na dapat mismo ang magtala kung sino ang mga 4P at hindi.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph