SUBSCRIBE NOW
SUBSCRIBE NOW

Puga ng POGO

Puga ng POGO
Published on

Nagiging mas kontrobersyal ang mga negosyong POGO o kumpanya ng gaming na pag-aari ng dayuhan ngunit pinatatakbo sa bansa. Karamihan sa mga may-ari nito ay mga Intsik mula sa Tsina bagaman may mga Pilipinong kasosyo dito upang maging legal.

Dahil malaki ang puhunan sa pagtatayo ng mga POGO sa Pilipinas at malaki ang kita nito, malaki ang pakinabang ng bansa sa buwis na binabayad ng mga ito at sa mga trabahong nililikha nito. Kung hindi man nagtatayo ng gusali ang mamumuhunan ng POGO ay umuupa ito ng buong gusali katulad ng mga business process outsourcing na kumpanya o call center. Syempre, kailangan ng tutuluyan ang mga trabahador dito kaya kumikita ang mga condominium sa pag-upa nila ng mga unit. Kumikita rin ang mga kainan na nagpapakain sa mga libu-libong trabahador ng POGO.

Ngunit mayroon ding dalang kasamaan ang POGO katulad ng mga umano’y pagbabaon nito sa utang sa mga customer na nagsusugal sa mga online casino na pinatatakbo ng mga POGO. Marahas ang paniningil ng mga ito sa mga parokyanong kalahi nila na may mga utang sa kanila. Naririyan na ang pananakit at pagdukot sa kanila, kung hindi man sila pinapatay.

Kasabay ng pag-usbong ng mga kainan at tindahang Intsik sa Metro Manila ay ang pagsulputan ng mga club para aliwin ang mga manggagawa sa POGO na karamihan ay mga Intsik. Mayroon ding prostitusyon at mga ilegal na ospital o klinika para sa mga dayuhang manggagawa.

Ang kontrobesyal na mayor ng Bamban Tarlac ay nasuspinde matapos umanong pahintulutang tumakbo ang isang ilegal na POGO sa kanyang bayan. Si Mayor Alice Guo mismo ay pinaghihinalaang espiya ng Tsina bukod sa umano’y pagiging benepisyaryo ng mga POGO dahil sa P177 milyong yaman niya.

Nitong Martes ng gabi, nilusob ng mga pulis ang isang umano’y ilegal na negosyong POGO sa Angeles City, Pampanga at inaresto ang 186 manggagawa doon, karamihan mga dayuhan.

Naiulat na 1,000 ang bilang ng manggagawa ng Lucky South 99 ngunit marami sa kanila ang nagpulasan bago pa man dumating ang mga pulis sa kanilang gusali sa kahabaan ng Fil-Am Friendship Highway. Pahiwatig ito na sangkot sa ilegal na gawain ang mga tao roon.

Ang pag-raid sa kumpanya ay sa bisa ng warrant na inilabas ng korte dahil sa paratang rin na may nangyayaring human trafficking roon at iba pang krimen tulad ng panggagaha sa isang Pilipina at pag-torture ng mga dayuhang manggagawa.

Ngayong daan-daang puga ng nasabing POGO ang pinaghahanap ng pulis, sadyang marami sila na may bantang panganib sa siyudad at mamamayan ng Angeles City.

Latest Stories

No stories found.
logo
Daily Tribune
tribune.net.ph